top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga palaboy, ‘di lang tulungan, turuan ding maghanapbuhay

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 21, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 21, 2024


Nakabilang na rin ang mga palaboy o naninirahan sa mga lansangan sa ipinapatupad na programa ng gobyerno para sa mga mahihirap.


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), naglabas ng executive order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagpapalawak ng Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan nakasama na ang mga tinatawag na street dweller at iba pa na makikinabang dito.


Batay sa PCO, nitong Huwebes ay nag-isyu ng EO 52, na nag-i-institutionalize at nagpapalawak ng nasabing programa para matulungan ang mga palaboy o street dwellers at iba pang mahihirap na mamamayan, at vulnerable na mga indibidwal na maalis sa mga lansangan at maging produktibong miyembro ng lipunan.


Nakapaloob sa naturang programa ang alok na transportation/relocation, tulong pinansyal, transitory shelter assistance, tulong pangkabuhayan, at employment assistance. 


Nag-aalok din ito ng suportang pang-psychosocial, capability building ng mga komunidad at local government units, gayundin ng community assistance.


Sa ilalim ng EO 52, isang Inter-Agency Committee na pamumunuan ng DSWD secretary ang bubuuin at itatalaga, na ayon sa kagawaran, ‘upang matiyak ang pagkakahanay sa mga layunin at komplementasyon ng mga aktibidad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno’.


Makakasama rin sa Inter-Agency Committee ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang vice-chair.


Sinabi pa ng PCO na ang Pag-abot Program ay isa sa mga pilot program ng DSWD, na nagbibigay tulong sa mga vulnerable at disadvantaged na mga indibidwal, mga bata, at mga pamilya sa mga sitwasyon sa lansangan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng iba’t ibang interbensyon at oportunidad.


Mabuti at naisip ng kinauukulan sa kanilang programa, na isama na ang mga kababayan na naninirahan sa mga lansangan na maituturing na nating poorest of the poor.


Napakarami kasi nilang nagkalat sa mga kalye na ang iba pa sa kanila ay nasa ilalim ng mga tulay, footbridge at gilid-gilid ng kalsada natutulog. Sila rin iyong mga namamalimos at umaakyat sa mga dyip na nanghihingi sa mga pasahero para mayroon silang pambili ng pagkain.


Kung tutuusin, sila dapat ang una nating tinutulungan, pero nababalewala at hindi nabibigyan ng pansin. 


Sana lang, bukod sa nasabing programa na makakaagapay sa kanila, kailangan din natin silang turuan na magbanat ng buto at maghanapbuhay para naman hindi lagi silang aasa na lang sa ayuda ng pamahalaan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page