Mga paglabag sa campaign guidelines, dapat nang tugunan
ni Ryan Sison - @Boses | February 24, 2022
Dahil sa mas istriktong campaign guidelines ng Commission on Elections (Comelec), maraming naitalang paglabag, ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya.
Kaya naman, mayroon din umanong mga proposals at apela ang iba’t ibang partido at pulitiko sa Comelec para bahagyang maluwagan ang mga regulasyon, na maaaring pag-usapan sa isang pagpupulong.
Matatandaang unang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na mayroong mga pagkakataon noong campaign kick-off na hindi nasusunod ang health protocols tulad ng physical distancing.
Sa ngayon, ipinagbabawal ng Comelec ang pakikipagkamay, pagyakap, paghalik at pag-selfie upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Ilang linggo mula nang umarangkada ang kampanya ng national candidates, kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga tagasuporta sa campaign activities ng kanilang napupusuang kandidato.
Dahil dito, hindi maiwasan ang paglabag tulad ng pagdidikit-dikit na mga supporters at may mga pagkakataon ding hindi naisusuot nang tama ang facemask. Bagay na malaking banta ng COVID-19 transmission.
Kaya kung paninindigan natin ang mga regulasyon, paano maiiwasan ang mga paglabag na ito?
Bagama’t patuloy ang mga paalala at babala sa mga kandidato at supporters na parurusahan sila ‘pag may paglabag, ang tanong, may nasampolan na ba?
Ibang-iba ang eleksiyon ngayong taon dahil sa pandemya at talagang iniiwasan ang mga nakasanayan para iwas-hawahan.
Isa pa, ngayon ay nagbabadya ang pagbaba sa Alert Level 1 dahil sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases. Kaya ‘pag nagbago ang mga restriksiyon, magbabago rin ba ang regulasyon na may kinalaman sa halalan?
Ilan lang ‘yan sa mga bagay na dapat nating pag-usapan at solusyunan, lalo pang nalalapit na rin ang kampanya para sa local candidates.
Hangad nating magkaroon ng mas malinaw na panuntunan dahil wala tayong ibang gusto kundi ang ligtas na halalan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments