top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga paghahanda vs. COVID surge ngayong holiday season, seryosohin!

BULGAR
Sep 25, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 25, 2022


Sa pagpasok ng holiday season, inaasahan na ang kaliwa’t kanang party at pagtitipon.


Wala pa mang naitatalang panibagong surge ng COVID-19 cases sa bansa, tiniyak ng Department of Health (DOH) na mayroong mga hakbang ang ahensya kung sakaling magkaroon ng pagtaas sa bilang ng hawahan ngayong holiday season.


Kabilang umano sa mga paghahanda ng ahensya ang pagpapalakas ng vaccination at booster program laban sa sakit.


Mahigpit din umanong binabantayan ng DOH ang polisiya kaugnay sa pagluluwag sa paggamit ng face mask at ang posibleng pagtaas ng kaso ngayong Pasko at Bagong Taon.


Sa totoo lang, hindi nawawala ang posibilidad ng malawakang hawahan. Una, mas maluwag na ang mga restriksyon, partikular ang mandato sa face mask kung saan boluntaryo na lamang ang paggamit nito, ngunit kailangan pa ring isuot kung nasa loob ng establisimyento at pampublikong sasakyan.


Pangalawa, ang bumababang bilang ng mga nagpapabakuna laban sa sakit. Matatandaang, patuloy ang paghikayat ng gobyerno sa publiko na magpabakuna kontra COVID-19, partikular ang booster shot.


Ikatlo, marami nang pasaway. Imbes na “new normal”, eh, back to normal na ang buhay. Kani-kanyang pagpapabaya na dahil sa paniniwalang hindi sila tatamaan ng sakit dahil bakunado naman.


Ilan lang ‘yan sa mga dahilan ng posibleng pagsirit ng bilang ng COVID cases sa mga susunod na linggo.


Bagama’t naniniwala tayong ginagawa ng ahensya ang kanilang makakaya upang maiwasan ang matinding hawahan, siyempre, kailangan din natin ang kooperasyon ng taumbayan.


Batid nating hindi maiiwasan ang mga pagtitipon, pero pakiusap sa lahat, ‘wag kalimutang mag-ingat.


Tulad ng paulit-ulit nating babala, nariyan lang ang virus. Seryosohin natin ang mga pag-iingat at mga pakiusap dahil para naman ito sa kaligtasan ng lahat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page