top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga pagamutan, nakakahinga pa kahit may pagtaas ng COVID-19 reproduction number

BULGAR
May 1, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 1, 2022


Bagama't may bahagyang pagtaas sa COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR), hindi nadagdagan ang bilang ng hospital admissions.


Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH) matapos iulat ng OCTA Research Group na tumaas sa 0.71 mula sa 0.62 ang reproduction number sa NCR.


Ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring mahawahan ng isang COVID-19 patient.


Gayunman, sinabi ng DOH na posible pa ring tumaas ang bilang ng COVID-19 cases kung hindi masusunod ng publiko ang mga umiiral na minimum health standards.


Kasabay nito, hinikayat ng kagawaran ang taumbayan na magpa-booster shot bilang karagdagang proteksyon laban sa sakit.


Samantala, mahigit 2,000 indibidwal na ang nakatanggap ng ikalawang booster, hanggang noong Martes, Abril 26.


Kung tutuusin, magandang balita na hindi nadagdagan ang hospital admission sa kabila ng pagtaas ng reproduction number sa rehiyon. Dahil ibig sabihin nito, nakakahinga pa ang ating health workers at natutugunan ang mga non-COVID patients.


Pero sa panig nating publiko, hindi ito nangangahulugan na makakampante na tayo dahil nar’yan pa rin ang banta ng sakit.


Isa pa, malaya pa rin tayong nakakagalaw o nakakalabas dahil pinalawig pa hanggang Mayo 15 ang Alert Level 1 sa Metro Manila at ilan pang lugar.


Gaya ng sinabi ng DOH, may posibilidad ng COVID-19 surge kung magpapabaya tayo. Kaya utang na loob, hinay-hinay sa paglabas at ‘wag makalimot magsuot ng face mask.


Gayundin, sana’y lalo pang bantayan ng mga kinauukulan ang pagtaas ng reproduction number at agad na umaksiyon kung tataas pa ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page