top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mga pag-iingat habang nasa pasyalan, ‘wag kalimutan!

  • BULGAR
  • Sep 20, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 20, 2021


Kasabay ng muling pagbubukas ng mga pasyalan sa Metro Manila matapos isailalim sa Alert Level 4 ang rehiyon, inanunsiyo ng tourism chief na maaaring makapasok ang mga hindi bakunado.


Ikinatuwa ng Department of Tourism (DOT) ang pagbubukas ng outdoor tourist attractions dahil may puwede nang puntahan ang mga taga-Metro Manila sa kabila ng quarantine restrictions.

Bagama’t puwedeng makapamasyal ang mga residenteng hindi pa bakunado, mayroon namang express lanes para sa mga indibidwal na fully vaccinated.


Kabilang sa mga bukas na pasyalan ang Rizal park na magbukas mula alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-9:00 ng umaga, na mayroong maximum capacity na 500 katao sa nabanggit na oras.


Ang Fort Santiago naman ay magbubukas mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-7:30 ng gabi, mula Lunes hanggang Biyernes, at alas-9:00 ng umaga hanggang alas-8:30 ng gabi tuwing Sabado at Linggo, na mayroong 150 capacity sa anumang oras.


Samantala, ang Baluarte de San Diego ay magbubukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, at magpapapasok ng hanggang 80 katao kada oras. May entrance fee namang P75 para sa regular visitors at P50 para sa mga discounted visitors tulad ng senior citizen, estudyante at persons with disability (PWD).


Gayunman, libreng makakapasok sa Plaza San Luis, at ito ay magbubukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi, araw-araw.


Kung tutuusin, marami tayong kababayan na sabik makalabas ng bahay, kaya malamang na muling daragsain ang mga nagbukas ng pasyalan.


Pero siyempre, ang paglabas ay may kaakibat na responsibilidad. Tulad ng palaging paalala, sumunod sa minimum health standards at para iwas-aberya at abala sa ibang tao, ‘wag nang hintaying masita pa tayo, bagkus, magkusa nang sumunod.


Malaking bagay din na pinalakas ang police visibility sa mga pasyalan dahil makatutulong ito upang mapanatili ang peace and order sa mga pampublikong lugar.


Isa pang paalala sa mga nais mamasyal, ang pagbubukas ng mga nabanggit na lugar ay para bahagyang makatulong sa sektor ng turismo. Kaya kung lalabas lang kayo para magpasaway, utang na loob, manahimik na lang kayo sa inyong tahanan.


Baka sa halip na makatulong sa turismo ay tayo pa ang maging dahilan ng panibagong problema.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page