Mga paalala ngayong Undas 2023
- BULGAR
- Oct 31, 2023
- 1 min read
@Editorial | October 31, 2023
Katatapos lamang ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ang kailangan naman nating paghandaan ay ang Undas na gugunitain bukas, Nobyembre 1.
Kani-kanyang hakbang na ang mga ahensya sa Metro Manila upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan.
Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, magpapatupad ang mga lungsod sa National Capital Region (NCR) ng mahigpit na protocols, road closures, at traffic rerouting alinsunod sa isasagawang safety measures.
Magsasagawa naman ng “Oplan Kaluluwa” ang Quezon City government para matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa sementeryo o columbary. Pangangasiwaan ito ng QC Law and Order Cluster at magtatalaga sila ng mahigit 600 tauhan na made-deploy mula umaga hanggang gabi.
Sinuspinde na rin ngayong araw ang mga public interment activity na tatagal hanggang Nobyembre 2, kung saan ititigil ang paglilinis at pagdekorasyan ng mga libingan na sinimulan na kahapon.
Iwasan rin nating magdala ng mga matatalim na bagay o magdala ng sound system upang hindi makabulabog ng ibang tao sa sementeryo.
Maging responsable rin tayong mamamayan pagdating sa sarili nating basura, at itapon ito sa tamang basurahan.
Ang mga paalalang ito ay hindi lamang para sa ating sarili, kundi para sa kaligtasan ng lahat. Hangad natin ang mapayapa at ligtas na Undas ngayong taon.
Komentar