Mga ospital, handang-handa na raw sa monkeypox, dapat lang!
ni Ryan Sison - @Boses | July 27, 2022
Naninindigan ang mga ospital na handa ang mga ito sa oras na makapasok sa bansa ang monkeypox.
Hindi pa man umano idinedeklara ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox bilang Public Health Emergency International Concern, kasado na ang mga hakbang upang matukoy ang posibleng tatamaan nito, gayundin ang mga pasilidad na kanilang gagamitin.
Kung noon ay isang form lamang para sa COVID-19 ang sasagutan ng mga pasyente, ngayon ay nadagdagan ito ng isa pa para naman sa monkeypox.
Araw-araw ding may naka-standby na monkeypox team sa ospital kung sakaling may pasyenteng dumating na pasok sa case definition ng suspect at probable case ng monkeypox.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula nang pumutok ang balita ng pagkalat ng monkeypox sa ilang bansa sa Europa noong Mayo, naghanda na ang kagawaran para rito.
Base sa guidelines, aabisuhan ang local government units (LGUs), gayundin ang mga ospital kung sino ang mga maaaring ituring na suspect at probable cases ng monkeypox.
Samantala, nilinaw na bagama’t may pagkakahawig ang hitsura ng monkeypox sa bulutong, magkaiba ito. Ngunit tulad ng ibang sakit, bakuna ang nakikitang paraan para maprotektahan ang tao laban dito, pero limitado ang suplay ng monkeypox vaccine, kaya nakikipag-usap na ang DOH sa mga development partners para matulungan sa access o mabigyan ng bakuna ang bansa.
Sa ngayon, mataas ang kumpiyansa ng mga ospital na kayang matugunan ang monkeypox.
Magandang balita na sa mga ospital mismo nanggaling na handa sila kung sakaling makapasok sa bansa ang sakit. Patunay ito na marami tayong natutunan sa pandemya at isa na riyan ang kahandaan sa lahat ng pagkakataon.
Kasabay ng paghahanda ng mga pagamutan, sana’y magkaroon din ng pagbibigay-kaalaman sa mamamayan tungkol sa monkeypox. Ipaliwanag natin kung paano naipapasa ang sakit, gayundin, sana’y magkaroon ng mga programa na kokontra sa diskriminasyon sa mga taong nakikitaan ng sakit.
Ilan lang ang mga ito sa paghahanda kontra sa monkeypox at sana’y mapanindigan natin, tumama man ang sakit sa bansa o hindi.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments