Mga opisyal na sangkot sa NBP strip search, sinibak

ni Ryan Sison @Boses | May 9 2024

Bago ang imbestigasyon sa umano’y “dehumanizing” body searches na dinanas ng ilang bumisitang kaanak ng persons deprived of liberty (PDLs) at political prisoner sa New Bilibid Prison (NBP), pitong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang inalis na sa puwesto.
Batay sa statement ng BuCor, ilalagay sila sa ilalim ng attached/unassigned sa NBP Superintendent’s Office. Ang kautusan ay nilagdaan ni Acting NBP Superintendent Ruben Formoso.
Nag-isyu si Formoso ng kautusan, isang araw matapos magsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang mga asawa ng mga PDL at political prisoners laban sa strip search na kanilang naranasan sa Maximum Security Compound ng NBP noong April 21.
Isa sa mga asawang inmate ay nagsabi na siya ay “halos maluha at nanginginig” at hiniling na yumuko o bend over habang isinailalim sa inspeksyon. Ang isa pang asawa ng PDL ay nagsabi na kailangan niyang ulitin ang procedure nang at least 10 beses dahil hindi niya umano ito ginagawa nang tama.
Kaya naman ito ang nagtulak kina BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para mag-utos ng hiwalay na imbestigasyon.
Ayon kay Formoso, iimbestigahan ng BuCor kung paano isinagawa ng mga opisyal ang kanilang strip search at kung nilabag nila ang mga umiiral na protocol.
Kaugnay nito, sinabi ni NBP Maximum Security Camp commander Abel Ciruela na ang strip cavity searches ay ipinapatupad sa lahat ng mga bumibisita sa mga inmate mula pa noong 2018.
Aniya, naging mandatory ito dahil sa rami ng mga kontrabando na nakumpiska sa loob ng pasilidad at may mga visitor na nahuhuling nagtatangkang magpuslit ng mga kontrabando.
Pahayag pa ni Ciruela, ang mga dalaw ay pinapipirma rin ng waiver at ang mga ayaw pumirma sa waiver ay maaaring bumisita sa pamamagitan ng online visitation.
Samantala, sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang kanilang imbestigasyon hinggil sa reklamong inihain ng mga asawa ng mga PDL.
Tila may mali sa isinagawang strip search sa mga asawa ng mga inmate na bumisita sa mga ito sa NBP kamakailan.
Kaya naman tama lang na sila ay i-relieve sa puwesto at imbestigahan upang sakaling may mga paglabag talagang ginawa ay agad na maparusahan.
May mga gamit naman para malaman o ma-detect kung may mga bitbit man na kontrabando ang mga dumadalaw sa mga inmate.
Napakarami na ring paraan, gadget at technology para mabatid ang anumang ilegal na gustong ipuslit papasok sa loob ng kulungan, kahit pa sabihing nakatago ito sa kasuluksulukan ng katawan ay malalantad at malalantad ito.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay imbestigahan ito nang maigi at suriin nila ang kanilang umiiral na mga protocol dahil maaaring hindi na ito naaayon sa panahon ngayon.
Gayundin, magkaroon sana sila ng mga kagamitang madaling maka-detect ng mga ilegal na kontrabando para hindi na maulit pa ang nangyari sa mga kaanak ng mga inmate.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments