Mga online buyer, maging wais, ‘wag magpabudol!
- BULGAR
- Aug 30
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 30, 2025

Tila naging bahagi na ng ating araw-araw na pamumuhay ang online shopping, mula pagkain hanggang appliances, lahat halos nabibili sa isang click lamang.
Gayunpaman, kasabay ng ginhawang dulot nito ay dumarami rin ang panganib ng panloloko. Kaya mahalaga ang panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na maging mas mapanuri at huwag basta-basta magtiwala sa kahit anong store online.
Ayon sa DTI, dumami ang kaso ng mga nai-scam dahil sa mga mapanlinlang na online seller. Ang mga biktima ay nagbabayad pero wala namang natatanggap na produkto, o di kaya’y peke o mababang kalidad ang dumarating na order. Kung kaya’t hinikayat ng ahensya ang publiko ng paggamit ng Trustmark — ito ay nagsisilbing garantiya na ang isang online seller o produkto ay lehitimo at dumaan sa tamang beripikasyon ng gobyerno.
Mahalaga ang inisyatibong ito dahil hindi lang proteksyon para sa mga mamimili, kundi paalala na ang tiwala ay hindi basta-basta ibinibigay. Kung mayroong Trustmark, mas may kasiguraduhan ang mga buyer na ang kanilang mga binibili ay hindi magdudulot ng sakit ng ulo. Sa kabilang banda, ang mga negosyanteng legit ay mas nakikilala at napoprotektahan laban sa masamang reputasyon na dala ng mga scammer.
Kaugnay nito, sa pagtalakay ng budget ng kagawaran ay ipinaliwanag ni DTI Assistant Secretary Marcus Valdez mula sa E-Commerce Bureau na bahagi ng modernisasyon ang pagbibigay ng sertipikasyon. Layunin nitong gawing mas ligtas ang e-commerce landscape at itaas ang kumpiyansa ng publiko sa pamimili online.
Aminado rin si DTI Secretary Christina Roque na hindi madaling sugpuin ang scammers pero mahalagang patuloy ang laban, para hindi tuluyang masira ang tiwala ng mga mamimili.
Kung tutuusin, responsibilidad nating lahat ito. May tungkulin ang gobyerno na magpatupad ng regulasyon pero bilang konsyumer o buyer, may tungkulin din tayong mag-ingat.
Hindi porke’t mura ay tataya na tayo. Hindi porke’t trending ay bibili na agad. Dapat nating tandaan ang pera’y pinaghihirapan, at ang tiwala’y hindi madaling mabawi kapag nasira.
Ang laban kontra-online scam ay laban para sa tiwala — tiwala ng mamimili, tiwala sa negosyo, at tiwala sa sistemang dapat nagtatanggol sa atin.
Maganda ang hakbang ng DTI pero higit na mahalaga ang ating pagiging mapanuri at
responsable.
Ang bawat click ay desisyon, at bawat desisyon ay maaaring magdulot ng ginhawa o malaking pagkakamali.
Sa panahong puno ng budol, ang pinakamabisang sandata pa rin ay ang pagiging matalino.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments