top of page

Mga ninakaw sa kaban ng bayan, dapat lang ibalik

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 8
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 8, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung ang simbahan ay nagsalita na laban sa katiwalian, hindi na lang ito moral na usapin kundi babala, na may mali na talagang dapat ayusin. 


Kaya naman nagpahayag ng mensahe ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamumuno ni Cardinal Pablo Virgilio David matapos lumutang ang malawakang anomalya sa flood control projects. 


Ayon kay David sa kanyang pastoral letter, hindi lang contractors at financiers ang may kasalanan, kundi pati na rin ang mga mambabatas, auditors, district engineers at political patrons na malinaw na “bahagi ng sistematikong pandarambong”. 


Ang masakit dito, ang mga institusyon na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mismong may bahid at nasasangkot. Kaya’t nagdududa ang simbahan at kaparian kung makakamtan ba ang totoong hustisya sa kasalukuyang proseso.


Giit ng CBCP, ang hustisya ay hindi natatapos sa pagpaparusa. Kailangan ding isauli ang yaman na ninakaw mula sa kaban ng bayan. Anila, hindi maghihirap ang mga sangkot kung ibabalik nila ang pera, ngunit ang bansa, ang taumbayan ay patuloy na maghihikahos kung mananatiling nakamkam ang pondo. 


Ang mga pondong ito, na dapat sana’y para sa edukasyon, kalusugan at serbisyong panlipunan, ay napupunta sa bulsa ng iilan habang ang mamamayan ang nagdurusa sa kawalan ng sapat na imprastraktura at mga serbisyo. 


Nanawagan din ang CBCP ng mas malalim na pagbabago, na maging mapagmatyag ang mamamayan, talikuran ang patronage politics, at itaguyod ang katapatan habang maging simple sa pang-araw-araw na pamumuhay. 


Ayon pa kay David, mas aktibong makilahok dapat ang simbahan at mga mamamayan sa mga pagkilos para sa mabuting pamamahala at katarungang pang-ekolohiya. Sinabi niya na dapat pangunahan ng mga diyosesis at parokya ang transparency at accountability.


Hinikayat din niya ang mga kabataan na gamitin ang digital platforms upang labanan ang disinformation at gawing kahiya-hiya muli ang korupsiyon. Sa konkretong hakbang na inilatag ng simbahan — mula sa pagiging tapat hanggang sa panawagan ng pagkakaroon ng independent probe sa anomalya sa flood control projects — nakaugat ang mensahe na hindi sapat ang galit, dapat ay may aksyon. 


Bilang mamamayan, hindi maiiwasang mapaisip kung bakit paulit-ulit na lang ang ganitong eksena, proyekto para sa bayan, ninanakaw ng iilan, at imbestigasyon na walang malinaw na dulo. 


At kung ang simbahan mismo ay nananawagan ng pagbabago at pananagutan, mas lalo tayong dapat kumilos. 


Ang pagbabalik ng mga ninakaw ay hindi simpleng isyu ng pera kundi usapin ng dignidad at katarungan para sa bawat Pilipino. Gayundin, ang laban sa katiwalian ay hindi lang nasa kamay ng gobyerno. Nagsisimula rin ito sa atin — sa ating pananalita, sa ating aksyon, at sa pagpili natin ng iluluklok na mga lider ng bayan.


Kung sama-sama tayong kikilos – mamamayan, pamahalaan, simbahan, komunidad -- hindi lang baha ang mapipigilan, bagkus ang tuluyang pagkalugmok ng ating lipunan sa dagat ng korupsiyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page