ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | April 30, 2024
Dear Doc Erwin,
Dahil sa matagal nang namamaga ang aking gums ako ay nagpasyang kumonsulta sa isang dentista. Nabanggit ng dentista na may koneksyon ang dental health sa mga sakit ng ating katawan, partikular daw dito ang kanser.
Ako ay nag-alala sa sinabi ng dentista dahil napabayaan ko ang aking mga ngipin. Sa mga nakaraang taon ay marami ng nasira akong ngipin. Nais ko sanang malaman kung ano ang maaaring epekto ng pagkasira ng ngipin at gum disease sa ating kalusugan, at ano ang puwedeng gawin upang mapangalagaan ang ating dental health. Maraming salamat. — Michael
Maraming salamat, Michael sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Ganoon din sa iyong pagbabasa ng column at ng Bulgar newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa.
Marami ng mga pag-aaral na isinagawa ang mga dalubhasa sa maaaring epekto ng pagkasira ng ngipin at pagkakasakit sa ating gums o gum disease. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga epidemiologists mula sa Harvard T.H. Chan School of Public Health kung saan sinundan nila ng mahigit 20 taon ang kalusugan ng halos 150,000 na kababaihan at mga kalalakihan. Ayon sa pagsasaliksik na ito, ang mga indibidwal na nagkaroon ng gum disease ay mas mataas ng 52% ang chance na magkaroon ng stomach cancer kumpara sa mga indibidwal na hindi nagkaroon ng gum disease.
Ayon din sa pananaliksik na nabanggit, mas mataas ng 33 porsyento ang tsansa ng mga indibidwal na nasira ang 2 o higit pa na ngipin na magkaroon ng cancer sa stomach (sikmura). Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa international scientific journal na Gut noong July 2020.
Sa isang pananaliksik na inilathala sa journal na Cancer Prevention Research noong August 2020, ang pagkakaroon ng gum disease ay may mas mataas (17 porsyento) na chance na magkaroon ng serrated polyp, isang uri ng sakit na maaaring maging colon cancer. Mas mataas din ng 20 porsyento na magkaroon ng serrated polyp ang mga indibidwal na nasira ang 4 o higit pang ngipin.
Sa mga pag-aaral na nabanggit, nakita natin ang kahalagahan ng pag-aalaga ng kalusugan ng ating ngipin upang makaiwas sa posibleng sakit na cancer na maidudulot ng gum disease at pagkasira ng ngipin.
Ayon kay Dr. Mingyang Song isang propesor sa Harvard T.H. Chan School of Public Health kinakailangan na pangalagaan natin ang ating dental health sa pamamagitan ng pag-practice ng oral hygiene. Ipinapayo ni Dr. Song na mag-toothbrush tuwing matapos kumain, gumamit ng dental floss isang beses sa isang araw, gumamit ng mouthwash at kumonsulta ng regular sa dentista.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa Bulgar newspaper at sa Sabi ni Doc column.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments