Mga negosyo, dapat bantay-sarado sa health protocols kahit Alert Level 1
ni Ryan Sison - @Boses | March 29, 2022
Dahil “totally open” o bukas na ang ekonomiya, hindi na kailangang ibaba sa Alert Level 0 ang COVID-19 status sa bansa.
Paliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI), bumalik na sa 100% ang operasyon ng mga negosyo sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1. Gayundin, bukas na ang sektor ng turismo sa local at foreign tourists.
Matatandaang kabilang sa mga nasa Alert Level 1 ang Metro Manila at 27 iba pang lugar mula Marso 16 hanggang Marso 31.
Gayunman, hindi pa rin inirerekomenda ng DTI ang pagtatanggal ng face mask kahit patuloy sa pagbaba ang mga bilang ng mga kaso ng COVID-19 infections at kasabay nito, hinimok ang publiko na magpa-booster shot.
Batid nating malaking tulong ang pagbaba ng alert level sa pagsigla ng ekonomiya — libu-libong manggagawa ang nakabalik sa trabaho at bukas na ang turismo. Pero siyempre, kailangan pa ring tutukan ang sitwasyon at maghinay-hinay.
Tutal, malamang na manatili sa Alert Level 1 ang status ang bansa hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, inaasahan nating mababantayan ng mga kinauukulan ang sitwasyon at may kaukulang aksiyon sa anumang mangyayari.
Gaya ng palagi nating sinasabi, hindi na tayo dapat nangangapa. Dapat mas handa na tayo at alam natin ang gagawin kung may pagtaas man ng kaso o wala.
Kasabay nito, bantayang maigi kung nasusunod ng mga establisimyento ang health protocols, kahit pa pinapayagan ang 100% kapasidad o anumang alert level ang umiiral.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments