Mga negosyante, tutol sa mas mahigpit na restriksyon
ni Ryan Sison - @Boses | June 17, 2022
Sa gitna ng banta na muling paghihigpit ng restriksyon dahil sa pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases, nananawagan ang grupo ng mga negosyante sa gobyerno na ‘wag itaas sa alert level 2 ang Metro Manila.
Giit ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), hindi na umano kakayanin at posible itong magdulot ng negatibong epekto sa ekonomiya.
Sa halip na labis na pagtuunan ng pansin ang mga bagong COVID-19 cases, dapat umanong iprayoridad ng gobyerno ang paglutas ng problema sa gutom sa kabila ng mataas na presyo ng petrolyo at pagkain. Kasabay nito ang paninindigan na kailangang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mga health protocols.
Matatandaang nagbabala ang Department of Health (DOH) na kung magpapatuloy ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 admission, kailangang isailalim sa mas mahigpit na quarantine restrictions ang Metro Manila.
Gayundin, naninindigan ang DOH na kailangang i-monitor ang pagtaas ng COVID-19 cases imbes na dedmahin at hindi dapat makampante.
Noong Lunes, nakapagtala ng 257 bagong kaso, kung saan 126 dito ay mula sa National Capital Region (NCR).
Malaking bagay ang maluwag na restriksyon dahil mas maraming nakakapaghanapbuhay. Kaya kung muling maghihigpit, muling bagsak ang mga negosyo at maraming pamilyang magugutom.
Kaya naman, panawagan sa mga kinauukulan, sana’y kayanin nating mabalanse ang sitwasyon.
‘Yun bang, may hanapbuhay at umuusad ang ekonomiya, pero ‘di malala ang banta sa kalusugan.
Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 1 ang Metro Manila hanggang Hunyo 30, kaya panawagan sa mga negosyante, kung pursigido kayong mkkapaghanapbuhay sa kabila ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases, tiyaking sumusunod tayo sa mga health protocols.
At tayong mamamayan, ipagpatuloy lang natin ang mga pag-iingat at iwasang magpasaway.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments