top of page

Mga natalong kandidato, ban ng 1 yr. sa posisyon sa pamahalaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 24, 2025



Boses by Ryan Sison

Ngayong tapos na ang midterm elections muling naging usapin ang isang probisyong tila nakalimutan ng ilan — ang isang taong ban sa pag-a-appoint ng mga natalong kandidato sa anumang posisyon sa gobyerno. Pero ang kuwestiyon dito ay marapat bang bigyan ng posisyon o puwesto sa gobyerno ang mga natalong kandidato? 


Ayon sa Commission ng Elections (Comelec), malinaw ang sinasabi ng Konstitusyon na bawal i-appoint ang sinumang natalo sa halalan sa anumang tanggapan ng pamahalaan o mga government-owned or controlled corporations (GOCCs) sa loob ng isang taon pagkatapos ng eleksyon. 


Binigyang-diin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ito ay hindi lamang simpleng alituntunin kundi isang mandatory requirement sa ilalim ng 1987 Constitution. Layunin nitong pigilan ang patronage politics o ang pagbibigay ng pabuya sa mga tumakbo pero natalo, bilang kapalit ng suporta o karapatan sa nanalong administrasyon. 


Sa ganitong paraan, maiiwasan ang reward system na maaaring pagmulan ng abuso at hindi patas na transaksyon sa loob ng gobyerno. Ang paalala ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang cabinet secretaries na magsumite ng courtesy resignation bilang bahagi ng kanyang plano na i-recalibrate o ayusin muli ang takbo ng kanyang administrasyon. Dahil dito, pansamantalang bakante ang ilang matataas na posisyon na maaaring gustong punan ng mga political ally na natalo sa eleksyon. 


Pero iginiit ng Comelec na hindi puwedeng i-appoint ang mga ito hangga’t hindi pa lumilipas ang isang taon. Sa kabila ng ban na ito, pinayagan na muli ng Comelec ang mga gawain ng mga kawani sa gobyerno gaya ng reassignment at suspension na dati’y bawal tuwing election period.


Marahil, sa panahon kung kailan kailangan natin ng matitinong lider na may tunay na kakayahan at malasakit, hayaan silang pumasok sa gobyerno at magsilbi sa mga mamamayan.


Karapat-dapat lamang na bigyang puwang ang merit-based appointments kaysa sa political favor. Dahil sa dulo, ang mawawalan ay ang publiko — kung muli na namang magiging laro ng utang na loob ang pamahalaan. 


Sa gitna ng political reshuffling at bakanteng mga puwesto, malinaw ang mensahe na hindi dapat gawing consolation prize ang puwesto sa gobyerno para sa mga natalo sa eleksyon. Ito ay laban sa diwa ng malinis at makataong pamamahala. Kaya naman ang paupuin sa gobyerno ay iyong mga nararapat lamang.  


At para sa mga hindi pinalad na kandidato, siguro ay mas mabuting magpahinga na lang muna sa pulitika at pagsisilbi sa gobyerno nang sa gayon ay lumakas at makabawi sa pagkatalo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page