top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga nang-aabuso sa programa ng gobyerno, sampolan!

BULGAR
Sep 22, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 22, 2022


Sa gitna ng pagpapatuloy ng iba’t ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong makatulong sa mahihirap na Pilipino, may ilan talagang nananamantala pa.


Kamakailan, buking ng mismong Central Office ng ahensya ang isang lalaki na ilang beses na umanong nakakuha ng pinansyal na tulong sa tanggapan gamit ang pekeng pangalan at mga dokumento.


Naaresto ang suspek sa entrapment operation sa kanilang Central Office matapos nitong tanggapin ang P3,500 na medical assistance. Nang muling humingi ng tulong-pinansyal ang suspek, nagpakita ulit ito ng identification cards at iba pang dokumento, ngunit lumabas sa pagsusuri na nagamit na sa iba pang transaksyon ang larawan sa ID na may ibang pangalan.


Gayunman, naninindigan ang suspek na dumaan siya sa tamang proseso, habang inaalam na ng mga awtoridad ang iba pang posibleng kasabwat nito.


Napag-alaman din na pang-sampung beses na itong ginawa ng suspek, kung saan pitong beses itong nagawa sa NCR field office.


Mahaharap ang suspek sa reklamong estafa, swindling at falsification of public documents.


Samantala, nagpaalala naman ang DSWD na hindi palalampasin ang ganitong gawain dahil ang pondo ng kagawaran para sa mga benepisaryo ng mga programa.


Sa totoo lang, nakakadismaya na naging parte na ng bawat programa ng gobyerno ang may manamantala. Imbes kasi na mapakinabangan ng mga tunay na nangangailangan, sa mga kawatan pa napupunta.


Marahil, kailangan n’yo ng pera dahil sa hirap ng buhay ngayon, pero hindi ‘yun sapat na dahilan para manlamang ng kapwa, mahiya naman kayo.


Tulad n’yo, nangangailangan din sila, pero ang pinagkaiba, sila ay dumadaan sa tamang proseso at hindi nagsisinungaling para makinabang sa programa ng gobyerno.


Hangad nating ipagpatuloy ng kagawaran ang masusing pagsusuri sa mga humihingi ng tulong upang walang makalusot.


Isa pang pakiusap sa mga kinauukulan, huwag palampasin ang mga ganitong kalokohan. Kailangang managot ang sinumang mang-aabuso upang hindi na rin tularan ng iba.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page