top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga nagsusulsol kay VP Sara na kumalas na sa Marcos admin, supalpal kay Sen. Imee

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 10, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 9, 2023


DAHIL WALA PA PALANG AGRI-SMUGGLERS NA NAKASUHAN AT IKINULONG, MGA ALAGAD NI P-BBM AT MGA MAEPAL NA TRAPO SAPUL KAY SEN. IMEE -- Nanawagan si presidential sister, Sen. Imee Marcos sa gobyerno na tigilan na ang photo-ops o “pagpapapogi” sa publiko at umaksyon na, kasuhan at hulihin na ang mga agri-smugglers na siyang sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga produktong pagkain sa bansa.

 

Sa statement na ito ni Sen. Imee, ang sapul dito ay ang mga alagad ni P-BBM sa Bureau of Customs, Dept. of Agriculture (DA) at mga maepal na trapo (traditional politicians), kasi nga naman lumalabas na papogi lang nila sa publiko ang ginagawa nilang raid sa mga bodega ng mga cartel, pero wala naman pala silang kinakasuhan at hinuhuling mga agri-smugglers, boom!

◘◘◘

 

SUPALPAL ANG INABOT KAY SEN. IMEE NG MGA NANANAWAGAN KAY VP SARA NA KUMALAS SA MARCOS ADMIN -- Sinupalpal ni Sen. Imee ang ilang personalidad na nananawagan kay Vice Pres., Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio na kumalas sa Marcos administration kung kontra ito sa mga polisiya ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM).

 

Sabi kasi ng senadorang presidential sister ay puwede namang manatiling magkaalyado sina P-BBM at VP Sara kahit na kung minsan ay nagkakaroon sila ng kontrahan sa mga isyu, basta’t ang importante ay nananatili ang respetuhan at paggalang sa isa’t isa, period!

◘◘◘

 

DE LIMA AT ARNEL TY, NAGPAPAPANSIN KAY P-BBM PARA MAGKAPUWESTO SA GOBYERNO? --Kabilang sina former Sen. Leila de Lima at former LPGMA partylist Rep. Arnel Ty sa nananawagan kay VP Sara na kumalas sa Marcos administration dahil sa pagtutol ng bise presidente sa peace talks ng gobyernong Marcos sa mga komunista.

 

Si De Lima ay former senator at si Arnel Ty ay former congressman, na ang ibig sabihin ay pareho silang walang puwesto ngayon sa gobyerno.

 

Ang nais nating ipunto rito, tila ang “bira” nina De Lima at Arnel Ty kay VP Sara ay pagpapapansin lang nila kay P-BBM, na baka sakaling bigyan sila ng puwesto sa pamahalaan, boom!

◘◘◘

 

BRO. EDDIE VILLANUEVA BUMIRA SA TALAMAK NA CORRUPTION SA GOBYERNO -- Nanawagan din si CIVAC partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva sa pamahalaan na labanan ang lumalalang corruption sa bansa.

 

At dahil ang presidente ngayon ay si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), parang sinabi na rin ni Bro. Eddie na masyadong talamak na ang katiwalian sa Marcos administration, period!

 

 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page