top of page
Matet de leon - FB.jpg

Mga nagiging surrogate mother, nakakaalarma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 26, 2024


Kahirapan ang nagiging dahilan ng ibang kababaihan kaya nasusuong sila sa kakaibang ‘hanapbuhay’ na tinatawag na surrogacy.


Ang surrogacy o mistulang pinapaupahan nila ang kanilang bahay-bata, ay isang paraan na magbubuntis at manganganak ang isang babae. Kapag naisilang na ng ina o surrogate mother (SM) ang sanggol, kukunin sa kanya ang bata para ibigay sa intended parent (IP) o mag-asawang hindi makabuo ng anak, na nagbayad sa kanyang pagbubuntis at panganganak.


Marami na ring kababaihan ang nahihikayat na pasukin ang ganitong kalakaran, na maituturing na isang palihim na transaksyon online, dahil sa maaaring kumita ang isang surrogate mother ng P300,000 hanggang P1 milyon. 


Isa sa naging surrogate mother ang nagpahayag na nagawa niyang paupahan ang kanyang bahay-bata ay dahil sa kahirapan. Aniya, wala siyang trabaho, walang maipakain sa kanyang mga anak, at humantong sa puntong ipinaampon na niya ang isang anak. Dumating din sa sitwasyon na halos husgahan siya ng mga kaanak na sinasabing pabaya siyang ina. 


Kapag umalis aniya siya ng bahay para magbuntis, idinadahilan niya sa pamilya na magtatrabaho siya sa ibang lugar at mawawala ng isang taon. Sinabi rin nito na habang nagbubuntis, nakatira siya pansamantala sa isang bahay na kung tawagin nila ay “staff house.” Dito ay binabantayang mabuti ang kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay makapanganak. 


Ayon pa sa kanya, may dalawang paraan para maging surrogate mom. Una, ang paglalagay sa kanila ng punla o IVF, o in-vitro fertilization, at ang isa pa na tinatawag na “traditional” o makikipagtalik sa kanila ang lalaki, subalit delikado umano ito.


Isa pang surrogate mom, ang pinasok din ang kalakaran ng surrogacy, subalit mabigat ang kanyang naging kalagayan dahil ang “staff house” na kanyang napuntahan aniya, ay hindi maayos, siksikan at walang sapat na pagkain para sa kanila. Nakunan siya habang nagawa niyang tumakas sa “staff house” at hindi na bumalik.   Ayon sa isang children and gender rights advocate na si Atty. Archill Capistrano, may mas malalim na dahilan ang mga babae kung bakit pumapasok sa ganitong klaseng hanapbuhay.


Paliwanag ni Capistrano, ang usapin ng surrogacy ay komplikado. Hindi dapat ini-impose kung ano ang moralidad, kung ano ang tama, ito talaga ang mga kondisyon ng mga naturang babae, at hindi natin sila masisisi, hindi magandang husgahan sila, at sa halip na ipagbawal, i-regulate na lamang. 


May mga sitwasyon talaga sa buhay na nagagawa ang peligrosong trabaho dahil sa kahirapan.


Kahit pa alam natin na posibleng magbuwis ng buhay ay gagawin natin para sa pamilya. 


Kaya naman nakakaalarma na marami sa ating mga kababaihan na nakukuhang pumasok sa ganitong hanapbuhay, ang pagiging surrogate mother. 


Panawagan natin sa kinauukulan na bigyang pansin ang usapin ng surrogacy sa mga kababaihan. Pag-ukulan din sana ng oras para magkaroon ng batas hinggil dito upang matulungan sila at mapangalagaan. 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page