top of page
Search
  • BULGAR

Mga nagiging lasenggo, pabata nang pabata

ni Ryan Sison @Boses | May 3, 2024



Boses - Ryan Sison


Nasa 13.2 porsyento o isa sa bawat 10 Pinoy na may edad 10 hanggang 19 ay kasalukuyang manginginom o tomador ng alak.


Batay ito sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI). 


Sa kanilang pagtalakay sa 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS), sinabi ng kagawaran na lumalabas na mas marami ang lalaking manginginom 16.1 porsyento, kumpara sa mga babae na nasa 10.4 porsyento.


Gayundin, inilahad ng DOST-FNRI na 4.9 porsyento sa kabuuang bilang ay mga kasalukuyang umiinom ng alak, habang higit sa kalahati sa kanila o 51.4 porsyento ay binge drinker o labis kung tumoma.


Ayon naman sa World Health Organization (WHO), ang binge drinking ay ang “labis na pagkonsumo ng mga alcoholic beverages o inuming nakalalasing, partikular ang pag-inom ng apat o higit pang standard drinks na magkakasunod para sa mga babae, o lima o higit pa para sa mga lalaki, na nagdudulot ng alalahanin hinggil sa alcoholism sa mga kabataang Pinoy.


Nabatid din sa pag-aaral na ang beer ang iniinom ng karamihan sa ating bansa o 72 porsyento ng nakokonsumong alkohol.Binigyang-diin pa ng WHO na ang pag-inom ng alak, ang main risk factor para sa maagang pagkamatay at kapansanan sa mga indibidwal na 15 hanggang 49 taong gulang, kung saan nasa 10 porsyento ay nagreresulta sa kamatayan. 


Kaya naman inihain ang House Bill No. 1753 o kilala bilang Anti-Underage Drinking Act, noong Hulyo 11,2022, na layong itaas ang legal na edad para sa pag-inom ng alak at magpataw ng mga parusa sa mga lalabag upang limitahan ang pagbibigay ng alak sa mga kabataan.


Panahon na siguro para maipasa ang naturang panukala at maging ganap na batas upang mapangalagaan ang ating mga kabataan.


Hindi kasi makakabuti sa kanilang kalusugan ang paglalasing o ang paglaklak ng alak.

Marahil, dapat na tayong mga magulang at mga guardian ng mga bata mismo ang manguna at magpatupad ng preventive measures upang maiwasan ang pag-inom ng mga menor-de-edad nating anak.


Kailangang ipaliwanag natin nang maigi sa mga kabataan ang kahihinatnan ng pag-inom ng alak, sa halip na kung minsan ay tayo pa ang promotor at nagtuturo sa kanilang uminom.


Huwag nating hayaan na subukan nilang uminom dahil mga bata pa rin naman sila at maaaring malulong ang mga ito sa ganitong bisyo hanggang sa maging tomador. 


Lagi sana nating iisipin ang mas makakabuti para sa mga kabataan at ikakaganda ng kanilang buhay.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page