Mga nabiktima ng paputok, puwede na makakuha ng PWD ID
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 4, 2026

Nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang mga biktima ng firecracker-related injuries, lalo na ang mga nagkaroon ng pangmatagalang kapansanan. Sa gitna ng selebrasyon, madalas nakakaligtaan ang mga taong habambuhay na nagdadala ng marka ng isang iglap na kapabayaan.
Mahalagang paalala ang pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga biktimang may permanenteng pinsala ay maaaring makinabang sa disability benefits, depende sa masusing medical evaluation.
Ayon sa DSWD, ang Department of Health (DOH) ang naglalabas ng certificate of disability matapos ang medikal na assessment. Dito tinutukoy kung ang kapansanan ay permanente o pansamantala, lantad o hindi agad nakikita. Kapag may sertipikasyon, maaari nang mag-apply ng Persons with Disability (PWD) ID, na magsisilbing susi para sa mga benepisyong itinakda ng batas. Hindi ito simpleng ID, kundi pagkilala ng estado
sa karapatan at pangangailangan ng mamamayan.
Upang makakuha ng PWD ID, kailangang lumapit ang pasyente sa lokal na Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) matapos makuha ang DOH certificate. Alinsunod sa Magna Carta for Disabled Persons, lahat ng lokal na pamahalaan ay may PDAO na nakikipag-ugnayan sa National Council on Disability Affairs (NCDA).
Ayon sa isang PDAO head officer, walang pinipiling pinagmulan ng pinsala. Kahit saan pa nanggaling ang injury, maaaring i-avail ang benepisyo basta’t may sapat na patunay ng kapansanan. Sa mga kasong hindi makaharap ang pasyente o kulang ang dokumento, handang magsagawa ng personal o remote assessment ang PDAO upang mapabilis ang proseso.
Ipinapakita nito na may puwang ang malasakit at pag-unawa sa sistema, lalo na para sa mga nasa alanganing kalagayan. Sa kabila nito, napag-alaman na wala pang naitalang aplikasyon ng PWD ID mula sa firecracker-related injuries (FWRI) victims sa ilang lugar nitong mga nakaraang taon.
Samantala, ibinahagi ng DOH na maaaring lumampas sa 500 ang kabuuang FWRI cases sa pagtatapos ng monitoring period, habang nasa 235 na ang naitala pagsapit ng Enero 1. Mas kaunti man ang bilang, mas malubha naman ang mga pinsala ngayong season.
Para sa DSWD, ang pagiging PWD ay hindi katumbas ng kawalan ng kakayahan. Ang mga may kapansanan ay patuloy na nakakapagtrabaho, nakakapag-aral, at nakakapag-ambag sa lipunan. Ang tunay na diwa ng suporta ay hindi awa kundi pagkilala sa dignidad. Nararapat na ang tulong ay mabilis, malinaw, at makatao, sapagkat ang kapansanan ay hindi katapusan, kundi panibagong yugto na dapat samahan ng malasakit ng komunidad at gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments