top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga motorista, ‘wag pasaway sa Seat Belt Law!

BULGAR
Sep 3, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 3, 2022


Malinaw para sa lahat na mahalaga ang pagsusuot ng seat belt upang mapanatiling ligtas ang nagmamaneho at katabi nitong pasahero.


Nagkaroon pa nga ng batas tungkol dito upang matiyak na ang lahat ng motorista ay gumagamit ng seat belt.


Sa ilalim ng Republic Act 8570 o Seat Belt Law, mandatory ang paggamit ng seat belt para sa mga umaandar na behikulo. Gayundin, hindi lamang drayber ang dapat gumamit nito kundi maging ang front seat passengers.


‘Yun nga lang, sa paglipas ng panahon, parami nang parami na ang nakakalimot sa batas at kaugnay nito, iniulat Land Transportation Office (LTO) na ang Seat Belt Law ang pangunahing batas sa lansangan na may pinakamaraming kaso noong nakaraang taon.


Ayon kay deputy director ng LTO Law Enforcement Service, mula noong 2016, numero-unong paglabag sa batas-trapiko ang hindi pagsusuot ng mga motorista ng seat belt.


Noong 2021, nakapagtala umano ang LTO ng 110,399 kaso ng paglabag ng motorista sa Seat Belt Law, kung saan karamihan umano sa mga lumalabag ay mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs), partikular ang mga jeepney driver.


Giit ng opisyal, hindi dapat isawalambahala ang pagsusuot ng seat belt habang nasa sasakyan dahil ito ay isang paraan ng pagprotekta at pangangalaga sa buhay ng bawat motorista.


Dahil dito, pinaiigting ng mga awtoridad ang information campaign sa kahalagahan ng pagsusuot ng seat belt, kasabay ng paalala na maging ang mga pasahero sa harap ng pampubliko at pribadong sasakyan ay kinakailangang magsuot nito.


Bagama’t hindi nakakapagtaka na maraming lumalabag sa naturang batas, nakakadismaya dahil ang daming pasaway.


‘Yung tipong, malinaw naman ang kahalagahan ng paggamit ng seat belt, pero mas pinipili ng iba na magpasaway. Hindi natin nilalahat, pero sadyang may mga matigas talaga ang ulo. Ang masaklap pa, ‘pag naaksidente, saka lang magsisisi.


Sa totoo lang, hindi na dapat ipaalala ang mga ganitong bagay, kumbaga, dapat ay kusa na itong ginagawa dahil para rin naman ito sa inyong kaligtasan.


Paalala sa lahat, nariyan ang seat belt sa inyong behikulo dahil ginagamit ‘yan para kaligtasan at hindi pang-display lamang.


Kaya utang na loob, ‘wag na kayong dumagdag sa sandamakmak na pasaway at ‘wag isnabin ang naturang batas.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page