Mga motorista, ‘wag pasaway sa number coding scheme
ni Ryan Sison - @Boses | August 14, 2022
Simula bukas, Agosto 15, muling ipatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Unified Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa National Capital Region (NCR).
Ito ay matapos aprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang MMDA Resolution No. 22-14 Series of 2022, sa gitna ng inaasahang pagtaas ng bulto ng mga sasakyan sa NCR sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Ayon sa MMDA, iiral ang number coding scheme mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi kapag weekdays, maliban sa holidays.
Dagdag pa ng MMDA, ang muling pagpapatupad ng number coding scheme sa NCR ay magpapababa ng traffic volume nang 20% habang peak hours sa umaga at hapon o gabi.
Matatandaang bago ang COVID-19 pandemic, ang average na bilang ng mga sasakyang bumabyahe sa EDSA araw-araw ay nasa 405,000.
Ngunit batay sa pinakahuling bilang ng dami ng sasakyan na isinagawa ng MMDA Traffic Engineering Center noong Agosto 4, tinatayang 387,000 sasakyan ang dumaan sa EDSA, at inaasahan pang tataas ito sa 436,000 o mas mataas kaysa sa pre-pandemic level.
Malaking tulong ang pagpapatupad ng number coding scheme bilang pagbibigay-daan sa pagbuhos ng mga sasakyan sa pagbubukas ng klase.
Kamakailan, matatandaang, libu-libong jeepney units ang nagbalik-pasada dahil na rin sa preparasyon ng pagbabalik-eskwela.
Gayunman, malinaw ang layunin ng muling pagpapatupad ng number coding scheme at inaasahan nating tatalima ang lahat ng motorista.
Panawagan sa mga kinauukulan, kapag may nagpasaway, sampulan agad.
Matagal nang umiiral ang sistemang ito at nahinto lamang, kaya kailangang handang sumunod ang lahat sa oras na muling ipatupad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments