top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga motorista, sakripisyo na naman sa rehabilitasyon ng mga kalsada

BULGAR
Sep 20, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 20, 2022


Dahil sa malawakang rehabilitasyon sa mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, nagbigay-paalala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na asahan na ang pagsikip ng daloy ng trapiko.


Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, plano ng departamento na magsagawa ng malawakang rehabilitation program sa National Capital Region (NCR) para lumuwag ang mga kalsada sa mga dumaraan at bumabiyaheng motorista.


May nakalaang P675.38B pondo ang DPWH para sa imprastruktura sa susunod na taon.

Samantala, pinuna ng Congressional Planning and Budget and Research Development (CPBRD) ang pagbaba ng pondo ng DPWH sa P88.5B sa susunod na taon mula sa dating P117.5B noong 2022.


Kung tutuusin, may rehabilitasyon man o wala ang mga kalsada sa Metro Manila, hindi na bago para sa mga motorista ang maipit sa trapik. Kumbaga, bahagi na ito ng buhay natin sa araw-araw na pagbiyahe, pero kung lalala pa ang trapik sa mga susunod na buwan dahil sa proyekto ng gobyerno, no choice kundi magbaon ng maraming pasensya ang mga bumabiyahe.


Pakiusap lang sa mga kinauukulan, tiyaking magiging mabilis at maayos ang rehabilitasyon.


Sikapin nating hindi matengga ang mga ginagawang kalsada dahil sa halip na madaanan, lalo lang itong nagdudulot ng perwisyo sa mga motorista.


Gayunman, isa lang naman ang hangad natin — ang maging matagumpay ang pagsasaayos ng mga kalsada upang mas maraming makinabang.


Grabeng sakripisyo na ang pagtitiis sa trapik araw-araw at madadagdagan pa ito kapag nagsimula na ang rehabilitasyon. Kaya naman hangad nating maging sulit ang sakripisyong ito para sa ikagiginhawa ng lahat ng motorista.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page