Mga menor-de-edad nasagip sa ‘sex den’ sa Laguna
- BULGAR
- Oct 1, 2023
- 2 min read
Updated: Oct 2, 2023
ni Ryan Sison @Boses |October 01, 2023
Mahirap tanggapin bilang magulang, na ang ating mga anak ay masusuong sa isang sitwasyon na maaaring sumira sa kanya magandang kinabukasan.
Ito marahil ang unang naramdaman ng mga magulang ng mga nasagip na pitong menor-de-edad na biktima ng umano’y bugaw at kasabwat nito sa loob ng isang lodging house sa Laguna.
Batay sa ulat, inaresto ng mga awtoridad ang umano’y bugaw at ang kahera ng establisimyento dahil sa human trafficking activities.
Pitong minors na mga babae na may edad 12, 13, 15, at 16, ang nailigtas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cavite District Office North.
Sa pahayag ng NBI, sa loob ng ilang taon ay nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng umano’y bugaw at mga staff ng establisimyento, kung saan ang mga menor-de-edad umano ay inaabuso.
Ayon kay NBI Cavite District Office North chief Eric Nuqui, ang sinasabing bugaw ay nakikipag-ugnayan sa mga potential customer sa pamamagitan ng social media at text messaging. Inaalok niya ang mga ito ng sexual encounter for a fee na umaabot sa P150,000.
Itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang.
Sinabi ni Nuqui na nag-file na sila ng kaso laban sa mga nahuling suspek dahil sa paglabag sa human trafficking act, as amended, at ito ay qualified trafficking. Aniya pa, may parusa itong habambuhay na pagkakabilanggo at multang limang milyong piso.
Inirekomenda na rin ng NBI ang agarang pagsasara ng ni-raid na establisimyento sa local government unit ng Laguna.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development sa Biñan ang mga nasagip na menor-de-edad.
Hindi maitatanggi na may mga indibidwal na nagagawang pumasok sa ganito kasamang aktibidad tulad ng benta-puri o sekswal na pagbebenta sa mga bata dahil sa pera.
Tila wala silang konsensya na nakukuhang ikalakal ang mga bata basta lang may malaking kita.
Mabuti at mabilis ang pagresponde ng mga awtoridad kaya nasagip ang mga bata sa tiyak na kapahamakan.
Sa mga magulang, sana ay mas tutukan at bantayan nating maigi ang ating mga anak upang hindi sila matiyempuhan ng mga halang ang kaluluwang kawatan.
Hiling lang natin sa kinauukulan na kung magagawang suyurin ang mga lugar na hinihinala nilang umiiral ang aktibidad ng human trafficking ay kanilang gawin para mas marami pang mailigtas na mamamayan at mga kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments