Mga mayor na kunsintidor sa STL-con jueteng, ibasura sa eleksiyon
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 12, 2022
HANGGA’T DINEDEDMA NG DUTERTE GOV’T. ANG PANAGAWANG ‘MASS TESTING’, PANIGURADONG DARAMI PA ANG MAGKAKA-VIRUS SA ‘PINAS–
Hanggang hindi pinakikinggan ng Duterte gov’t. ang panawagang magsagawa ng mass testing ay asahang lalo pang darami ang tatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Importante ang mass testing, dahil sa pamamagitan nito ay matutukoy ang mga nagpopositibo sa virus, maa-isolate ito at madaling matutukoy ng contact tracers ang mga nakasalamuha nito para i-test din.
Makinig sana sa panawagan ang Duterte gov’t. kasi sa totoo lang, hindi na joke ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa, dahil kamakalawa ay pumalo na sa 28,707 Pinoy ang nagka-virus sa loob lang ng isang araw, period!
◘◘◘
BUHAY NA NG MGA PINOY ANG NAKATAYA SA COVID-19, PINANGHIHINAYANGAN PANG GASTUSAN NG PAMAHALAAN–Ang palaging katwiran ni Health Sec. Francisco Duque III ay bukod sa mahirap gawin, magastos din ang pagsasagawa ng mass testing.
Sa totoo lang, masakit pakinggan ang sinabing ito ni Health Sec. Duque dahil buhay na ng mga Pinoy ang nakataya sa pananalasa ng COVID-19, pero mantakin ninyong nanghihinayang pa sa gastos ang pamahalaan, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
HABANG PINAG-UUSAPAN KUNG ILALAGAY SA ALERT LEVEL ANG NCR, TULOY PA RIN ANG OPERASYON NG STL-CON JUETENG–Habang pinag-uusapan ng mga miyembro ng IATF (Inter-Agency Task Force) kung dapat nang isailalim sa Alert Level 4 ang National Capital Region (NCR), tuloy pa rin ang operasyon ng STL (Small Town-Lottery)-con jueteng sa Metro Manila.
Noong March 2020, sa meeting ng IATF ay kabilang ang STL-con jueteng sa mga pasugalang pinatigil nila ang operasyon dahil nagkakaroon ng paglabag sa social distancing ang kubrador at mananaya, pero ngayon, dedma na ang IATF.
Dahil d’yan, nakikini-kinita na nating kahit isailalim pa sa Alert Level 4 ang NCR ay tuloy pa rin ang operasyon ng STL-con jueteng sa mga lungsod ng Taguig, Muntinlupa, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Makati, Pateros, Maynila, Caloocan, Malabon at Navotas, buwisit!
◘◘◘
IBASURA SA ELEKSIYON ANG MGA MAYOR NA KUNSINTIDOR SA STL-CON JUETENG–Hindi maglalakas-loob ang mga gambling lords ng STL-con jueteng na mag-operate sa iba’t ibang lugar sa NCR kung wala itong permiso ng mga alkalde sa Metro Manila.
Mantakin n’yo, sobrang hirap ng dinaranas ng mga kababayan natin sa Metro Manila sa pananalasa ng COVID-19 at isa sa nagpapalaganap nito ay ang mga pasugalan, tapos ayaw pang umaksiyon ng mga mayor na ipa-stop ito sa kanilang mga nasasakupan.
Tutal malapit na ang eleksiyon, kaya’t panawagan natin sa mga residente, resbakan nila ang mga re-electionist na mayor na kunsintidor sa STL-con jueteng, ibasura nila ang mga ‘yan sa halalan, period!





Comments