Mga Mayor, huwag makialam sa appointment ng mga guro, plis lang
@Editorial | Pebrero 24, 2023
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin pala nawawala ang 'palakasan system' o pagpapadrino sa mga guro para makapasok sa pampublikong paaralan.
Kaya binalaan na ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang mga alkalde na huwag makialam sa pagpili at pagpapapasok ng mga guro.
Hayaang ipatupad ang appointment process sa mga public school teachers na kung saan ay kailangan nilang respetuhin ang ranking system.
Sa halip na makialam sa trabaho ng DepEd, tutukan na lang ang kani-kanilang bayan, kumilos kung paano matutulungan ang mga nasasakupan na hirap sa taas-presyo ng mga bilihin.
Tigilan na ang pagsawsaw sa trabaho ng iba, lalo na kung nakakasira naman sa kalidad ng serbisyo-publiko.
Huwag ipilit na makapasok ang kakilala, kaibigan o kamag-anak sa posisyon, lalo na kung wala namang ‘K’. Igalang at sundin natin ang proseso.
Kung talagang gustong tumulong bilang alkalde, makipag-ugnayan nang maayos sa local school boards para malaman ang pangangailangan ng bawat paaralan.
Baguhin natin ang bulok na sistema, gawin natin ang tama, para sa ikabubuti ng mga estudyante at sa kabuuan ng sistema ng edukasyon.



Comments