Mga mayor, galaw-galaw vs. sugal
- BULGAR

- Jun 15, 2024
- 1 min read
@Editorial | June 15, 2024

Unti-unti nang nalalantad ang lawak ng operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Kaugnay nito, hinimok ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga lokal na pamahalaan partikular ang mga alkalde na tumulong sa paglansag sa mga ito na tinatawag ngayong ‘scam farms’.
Kailangan umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tawagin ang atensiyon ng lahat ng local chief executives kung saan nakabase ang mga naturang scam farms.
Sadyang hindi katanggap-tanggap na ang malalaking gusali na may iba’t ibang ilegal na gawain ay tila malayang nakakapag-operate sa komunidad. Hindi lang sila kumikita o nambibiktima, winawalanghiya rin nila ang batas ng Pilipinas.
Masasabing ito rin ay banta sa seguridad ng bayan. Kaya dapat nang agad na ipasara ang mga ganitong uri ng establisimyento. Dapat na ring ipa-deport o paalisin sa Pilipinas ang mga sangkot sa ilegal na operasyon.
Kasabay nito ang mas maigting na monitoring sa mga illegal POGO kahit nakansela na ang permit dahil posibleng tuloy pa ring nag-o-operate. Napag-alaman na nasa 250 POGO ang nag-o-operate sa bansa nang walang kaukulang lisensya at posibleng sangkot sa iba’t ibang krimen. Dapat na may ugnayan ang bawat ahensya ng gobyerno upang matiyak na hindi na nakakalusot ang mga ito.
Umaasa tayo na magiging mas masigasig ang mga law enforcer na pagbutihin pa ang paghabol sa mga sinasabing criminal syndicates na ginagamit ang mga POGO sa kanilang mga ilegal na transaksyon.



Comments