top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Mga may karapatang tumanggap ng mana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 11, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 11, 2024


Ang isang taong namatay na may mga iniwang ari-arian na kanyang naipundar noong siya ay nabubuhay pa ay maaaring magpamana sa mga taong nararapat na tumanggap ng kanyang pamamahagi.


Ang mga naiwanang ari-arian na ito, personal (personal properties) man o mga pag-aaring hindi natitinag (real properties), ay ang tinatawag na estate. Ang estate ay ang bahagi ng mga ari-arian ng taong sumakabilang buhay na mula sa kanyang capital o paraphernal properties, o sa kanyang parte mula sa mga absolute community properties o conjugal properties. 


Ang mga ari-ariang ito ay paghahatian ng kanyang mga tagapagmana na tinatawag na mga sapilitang tagapagmana (compulsory heirs). Sang-ayon sa batas, ang mga sumusunod ay ang mga sapilitang tagapagmana:


  1. Lehitimong anak at mga kaanak (descendants) sa kanilang mga lehitimong magulang at ninuno;

  2. Sa kawalan ng mga nabanggit, lehitimong magulang o ninuno sa kanilang mga lehitimong anak at kaapuhan;

  3. Ang lehitimong asawa na natirang buhay (widow/widower); at

  4. Mga hindi lehitimong anak.


Ang mga magmamanang ito ay tinawag na mga sapilitang tagapagmana hindi dahil sa sila ay pinipilit na tanggapin ang ipinamamana sa kanila, kung hindi dahil sa sila ay hindi maaaring ipagwalang-bahala ng isang namayapa.  Alinsunod ito sa intensyon ng isang tao na ang kanyang pagsusumikap ay laan para sa kanyang mga mahal sa buhay.


Subalit hindi nangangahulugang pipilitin ang tagapagmana na tanggapin ang kanyang mana kung ito ay hindi niya nais tanggapin. Maaari niya itong tanggihan kung ito ang kanyang nanaisin at mapupunta ito sa iba pang mga itinalagang tagapagmana ng batas.


Ang hatian ng mga mana ay depende kung ang taong yumao ay may iniwang testamento o huling habilin, o wala.  Sang-ayon sa batas, ang huling habilin ng isang namayapa ang susundin ng batas maliban lamang kung ang karapatan ng mga sapilitang tagapagmana ay maaapektuhan.


Kapag ang yumao ay may iniwang huling habilin o testamento, ang parte ng isang lehitimong anak ay kalahati (1/2) ng maiiwang estate ng namatay na nanay o tatay. Ang natitirang kalahati ng nasabing estate ay ang tinatawag na free portion. Sa free portion na ito kukunin ang parte ng surviving spouse at ng mga hindi lehitimong anak, kung mayroon man, at ang matitirang bahagi ng mga ari-arian na sakop ng free portion ay maaaring ipamahagi ng yumao sa kanyang huling habilin sa ibang tao (Article 888, Civil Code). 


Ang parte ng mga lehitimong anak ay naaayon sa kanilang bilang. Kapag iisa ang lehitimong anak, ang balong asawa ay magmamana ng ikaapat (1/4) na bahagi ng hereditary estate ng yumao. Kung dalawa o higit ang bilang ng mga lehitimong anak, ang parte ng balong asawa ay katumbas ng parte ng isang anak. Ang parte ng balong asawa ay kukunin mula sa free portion ng hereditary estate (Art. 892, ibid.).


Kapag wala namang lehitimong anak ang yumao subalit naiwan pang buhay ang kanyang magulang, ang balong asawa ay makakatanggap ng ikaapat (1/4) na bahagi ng hereditary estate at ito ay kukunin pa rin sa free portion (Art. 893, ibid).


Kapag ang naiwan ng yumao ay hindi lehitimong anak, ang balong asawa ay tatanggap ng ikatlong (1/3) bahagi.  Ang isa pang ikatlong bahagi ay mapupunta sa mga hindi lehitimong anak at ang natitirang ikatlong bahagi ay maaaring ipamigay ng yumao sa iba pang tao (Art. 894, ibid.)


Ang isang hindi lehitimong anak ay magmamana ng kalahati ng mana ng isang lehitimong anak at kukunin ito sa free portion ng naiwanang mamanahin pagkatapos maibigay ang parte ng balong asawa (Article 176, Family Code in relation to Article 895, Civil Code). 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page