top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mga magulang at estudyante, ‘wag idamay sa gulo ng Makati at Taguig

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 15, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 15, 2023


Inakusahan ng lokal na pamahalaan ng Makati ang lungsod ng Taguig ng ‘sapilitang pagkuha’ o “forcibly taking over” sa mga pampublikong paaralan na sadyang naapektuhan ng desisyon ng Korte Suprema sa kanilang matagal nang territorial dispute.


Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, ang mga public schools na pinag-uusapan ay mga properties na pag-aari ng kanilang lokal na pamahalaan.


Kabilang umano sa mga naapektuhan ang ilang paaralan ng mga “EMBO” barangay.


Nasa 14 na paaralan ang apektado ng paglipat ay nasa EMBO area, gaya ng Makati Science High School, Paaralang Elementarya ng Comembo, Rizal Elementary School, Paaralang Elementarya ng Pembo, Mataas na Paaralang Benigno “Ninoy” S. Aquino, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Mataas na Paaralan ng Pitogo, Paaralang Elementarya ng Cembo, Paaralang Elementarya ng East Rembo, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School.


Ang mga magulang at mga estudyante ng mga apektadong paaralan ay nahaharap sa matinding agam-agam at kawalan ng katiyakan dahil sa hindi pagkakaunawaan sa teritoryo.


Ipinahayag din ni Mark Christian Galang, chairperson ng Federation of Makati Parents and Teachers Association, na bilang kinatawan ng mga magulang at guro sa Makati, nakakaramdam na sila ng pangamba sa dahilang hindi na nila alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Labis din ang kanilang pagkalungkot dahil sila mismong mga magulang ang talagang naiipit sa pangyayari.


Umaasa naman ang mga magulang na matatanggap pa rin nila ang parehong mga benepisyo na mayroon sila sa ilalim ng pangangasiwa ng Makati.


Agad namang sumagot ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa mga akusasyon ni Certeza at sinabing isa itong “kasinungalingan at desperadong pagtatangka na lituhin ang publiko”.


Sa kanilang pahayag, makaraan ang desisyon ng Supreme Court, naglabas na ang Department of Education (DepEd) ng Memorandum Order 2023-735 na naglilipat sa pamamahala at pangangasiwa o superbisyon sa mga apektadong paaralan sa loob ng mga barangay na ito mula sa DepEd Division of Makati patungo sa Division of Taguig at Pateros.


Sa naturang memorandum, nakabinbin ang full transition ay nakasaad na ang Regional Payroll System Unit ng DepEd ang hahawak sa suweldo ng mga guro at personnel na apektado ng transfer.


Hindi maganda ang nagiging epekto sa mga residente sa nangyayaring sigalot ng dalawang lungsod.


Kadalasan, kapag may mga ganitong hindi pagkakaunawaan ang pinakaapektado rito ay ang mga mamamayan.


Totoong nais na mapaganda at mapaunlad ang kani-kanilang mga bayan at lungsod, subalit lagi sana nating isipin na ang mga desisyon at anumang pagpapasya ay dapat mas makabubuti at magbibigay pakinabang sa ating mga nasasakupan.


Sa kinauukulan, sana ay tapusin na ninyo ang bangayan sa mga teritoryo at kung kinakailangang magbigay ang isa sa isa ay gawin na lamang upang makausad na rin ang ating mga kababayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page