top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga lingkod-bayan, maramdaman sana ang pagseserbisyo sa publiko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 11, 2024
  • 2 min read

@Editorial | May 11, 2024



Editorial


Inihain na sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 2025.


Ito ay sa kabila ng deklarasyon ng Korte Suprema na ilegal ang nasabing hakbang.


Sa House Bill 1034, nais mailipat sa Oktubre 26, 2026 ang lokal na halalan at kasunod nito ay kada ikatlong taon na ang mga susunod na BSKE.


Ikinatwiran na kung itutuloy ang halalan sa susunod na taon, masyado umanong maikli ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK.


Hindi raw sasapat ang kasalukuyang termino ng nahalal na barangay at SK officials para maipatupad nang sapat ang kanilang mga programa.


Kasabay nito, tinukoy din na salig sa 1987 Constitution at 1991 Local Government Code, dapat ay hanggang tatlong taon ang panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at SK.


Anuman ang maging desisyon sa usaping ito, umaasa tayo na dadaan sa legal na proseso at laging naaayon sa batas. 


Pagkakataon din ito na maiparating sa mga opisyal ng barangay at SK na laging sulitin ang panahon habang nasa puwesto. Maikli o mahaba man ang termino, magtrabaho.


Sikaping masimulan agad ang mga programa at proyekto, hindi man matapos dahil sa kakulangan sa panahon, mahalaga ay nasimulan nang maayos at talagang pinag-isipan na ito’y mapakikinabangan ng taumbayan.


Ang problema kasi sa ibang barangay officials, sa umpisa at sa dulo lang magaling.


Mararamdaman mo lang ang paglilingkod sa mga unang buwan, saka mo lang ulit makikita ‘pag panahon na naman ng kampanyahan.


Kaya maging matalino sa pagpili ng mga iboboto. Matuloy man o hindi ang halalan sa susunod na taon, lagi tayong may pagkakataon para piliin ang ating lider. Puwedeng hindi iboto at maaari ring patalsikin kahit nasa puwesto. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page