top of page

Mga kwalipikasyon at proseso sa pag-avail ng SSS Pension Loan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 3 min read

by Info @Buti na lang may SSS | May 3, 2026



Buti na lang may SSS


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Nais ko pong ilapit ang nanay ko na retirement pensioner ng SSS. Mayroon bang iniaalok na loan program para sa mga pensioners nito? Magkano naman ang loanable amount at ilang taon itong babayaran? Salamat. — Chris 





Mabuting araw sa iyo, Chris! 


Batid natin na kailangan ng iyong ina at ng ating mga pensyonado ng karagdagang financial assistance para sa kanilang mga pangangailangang medikal, atbp. Para sa kaalaman ng ating mga pensyonado, ang Pension Loan Program (PLP) ay isang loan program o pautang na inilunsad noong Setyembre 2018 para sa mga retiradong pensyonado o retirement pensioners. Layunin ng nito ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng isang pautang na may mas mababang interes. 


Dagdag pa dito, ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions na nagbibigay rin ng pautang, ngunit sa mas mataas na interest rates at ginagamit na kolateral ang ATM cards ng mga pensyonado.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP, kinakailangan lamang na matugunan niya ang mga sumusunod na kondisyon:

  1. mayroong My.SSS account at updated ang contact information maging ang naka-enroll na disbursement account;

  2. hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

  3. walang existing na advance pension sa ilalim ng SSS Calamity Loan Assistance Program (CLAP):

  4. tumatanggap na ng regular na pensyon ng hindi bababa sa isang buwan at ang status ng kanyang pensyon ay “Active”; at

  5. hindi dapat na-disqualify dahil sa pandaraya laban sa SSS


Maaaring mag-file ng loan application online gamit ang My.SSS account o di kaya’y magfile over-the-counter sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Ito ay ike-credit sa disbursement account ng pensyonado.


Maaaring makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng kanyang tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P300,000 na siyang maximum loanable amount na ipinapahiram sa ilalim ng PLP.  Dagdag pa dito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 40%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12 buwan. Kung ang nahiram na pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari naman itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon. 


Ang isang kagandahan ng programang ito ay ang pagkakaroon ng credit life insurance ng borrowers. Kung sakali mang pumanaw ang nangutang na pensyonado at dahil dito ay hindi na nito maituloy ang pagbabayad ng kaniyang loan, sa ilalim ng credit life insurance, babayaran ng isang insurance company ang natitirang utang ng pensyonado sa SSS.


***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page