Mga kriminal namamayagpag na naman, mamang pulis galaw-galaw!
- BULGAR

- Nov 24, 2020
- 1 min read
@Editorial | November 24, 2020
Nakababahala na kasabay ng pagluwag sa community quarantine ay naglabasan na rin ang mga masasamang-loob.
Walang pinipiling oras at bibiktimahin, basta maisagawa ang pakay — magnakaw, gumahasa o pumatay.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na ibabalik ang istriktong pagpapatupad ng Body Mass Index (BMI) monitoring sa mga pulis.
Napag-alaman na sinuspinde ang BMI monitoring bago pa maupo ang kasalukuyang hepe.
Kaya nakipag-ugnayan na raw sa PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) para matulungan ang mga obese na pulis.
Sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng BMI monitoring, hindi lang nababantayan ang kaayusan sa komunidad, naaalagaan pa ang mismong buhay ng mga pulis at kapanakanan ng kanilang pamilya.
Hindi rin maiwasan na maging negatibo ang tingin sa mga pulis na may katabaan. Nariyan na may mga nag-iisip na walang ginagawa sa duty, patulug-tulog, naghihintay lang ng utos at kung anu-ano pa. Bagay na hindi rin naman makatarungan lalo’t marami ang responsableng pulis at laging buwis-buhay sa pagseserbisyo.
Kaya para na rin sa kapakanan ng bayan at ng mismong mga pulis, galaw-galaw at panatilihing malusog at malayo sa sakit.


Comments