Mga komyuter, ‘Wag magpasaway, plis lang!
ni Ryan Sison - @Boses | January 04, 2021
Mula kahapon, Enero 3, muling itinaas ang alert level sa National Captial Region (NCR) dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases sa rehiyon matapos ang holiday season.
Kasabay ng pagpapatupad ng Alert Level 3 sa NCR, nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na ipatutupad ang istriktong basic health protocols sa mga transportasyon, kabilang ang public utility vehicles (PUV).
Kaugnay nito, inatasan ni DOTr Sec. Arthur Tugade ang mga enforcers mula sa Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at train marshals ng lahat ng railway lines na tiyaking naoobserbahan ang tamang physical distancing sa loob ng PUVs at transport terminal, partikular ang pagsusuot ng facemask at pagpapaalala na huwag makipag-usap o kumain habang nasa loob ng tren.
Gayundin, pinatitiyak ng kalihim sa public transport operators na kailangang ligtas at maayos na na-disinfect ang kanilang mga sasakyan.
Samantala, maging ang mga komyuter ay hinihikayat na maging vigilante laban sa mga taong lumalabag sa health protocols dahil hindi umano sa lahat ng pagkakataon ay nakabantay ang mga enforcers at transport marshals.
Tulad ng inaasahan, kani-kanyang pag-iingat ang mga sektor ng gobyerno, kaya naman dapat lang tumalima ang lahat, transport operators man o komyuter.
Simple lang ang hiling ng mga kinauukulan — ang maging disiplinado ang bawat isa sa lahat ng pagkakataon. Isa pa, hindi na tayo bago sa sitwasyong ito, kaya naman hiling natin na sana ay natuto na tayong lahat.
Hindi biro ang sitwasyon natin kaya utang na loob, magkusa na tayong sumunod sa health protocols bilang tulong sa ating mga enforcers at para sa kaligtasan ng bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments