Mga komyuter, magdoble-ingat vs. ‘ketchup modus’
- BULGAR
- Feb 4, 2024
- 3 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 4, 2024
Babala sa mga komyuter na madalas na sumakay ng tren, na maging maingat laban sa ‘ketchup modus’ scheme ng mga kawatan.
Nagdulot ng takot sa isang lalaking pasahero ang kanyang naging karanasan na muntik nang mabiktima ng tinatawag na ‘ketchup modus’ habang nakasakay ng tren.
Batay sa salaysay ng pasahero, naganap ang insidente noong rush hour sa DOTr MRT-3, habang pauwi siya mula sa trabaho kasabay ang mga ka-trabaho.
Aniya, habang pasakay sila sa siksikan na tren, siniguro naman nilang walang tao sa likuran nila bago pumasok sa bagon. Isang lalaki sa likod ng male passenger ang biglang nagsabi sa kanya na tila marumi ang likod niya, at amoy ketchup pa. Dahil sa pamilyar na sa ganoong taktika ang male passenger, kaswal niyang sinagot ito na amoy ketchup lamang ang kanyang damit. Takang-taka ang kanyang ka-trabaho kung paano napunta ang ketchup sa kanyang likuran, habang nanatili naman siyang tahimik.
Naramdaman din ng male passenger ang pangangati at batid niya na talagang nilagyan ng ketchup ang kanyang likuran.
Pagdating nila sa destinasyon, ipinaalam ng male passenger sa kanyang mga ka-trabaho na ang dalawang indibidwal sa kanyang likuran ay nagtangkang magnakaw sa kanya. Takot ang umiral sa kanyang mga ka-trabaho, subalit, kalmado pa rin siya matapos ang nangyari hanggang sa makalabas na sila ng MRT.
Ganito rin ang nangyari sa isa pang passenger na sumakay ng MRT Cubao Station, habang papasok naman sa trabaho. Kuwento niya, isang pasahero sa kanyang harapan ang lumipat umano sa kanyang likuran pagsapit nila sa Ortigas Station. Nang makarating na sila sa Shaw Boulevard Station, sinabihan siya nito na mayroon siyang ketchup sa bag. Bukod dito, ipinakita rin niya ang mga larawan na kanyang ipinost sa social media, na may ketchup din sa kanyang damit sa bandang balikat. Pinahahanap pa raw siya nito ng tissue para punasan ang ketchup sa kanyang bag at likuran, pero hinayaan na lang niya ito kahit tumutulo na, habang naalala ang kuwento ng kanyang kaibigan na nawalan ng gamit, matapos mangyari ang katulad na modus. At kahit na nakalabas na siya sa bagon ng tren, nagsalita pa raw ito na magpunta siya sa CR para linisin. Hindi naman niya ito pinansin at diretsong nag-exit na lamang ng MRT.
Kahit na walang nawalang gamit sa kanya, nanawagan pa rin siya sa pamunuan ng MRT na mas higpitan sana ang kanilang seguridad lalo na sa mga sasakay na pasahero.
Kung anu-anong modus na ang ginagawa ng mga kawatan para lang makapambiktima ng kanilang kapwa.
Wala silang takot na mangulimbat kahit pa maraming tao na nakapaligid.
Kaya sa mga kababayan natin lalo na sa mga komyuter magdoble-ingat kayo at maging mapagmatyag, at iwasang maglagay ng mga mahahalagang bagay gaya ng mga telepono o wallet sa mga bulsang madaling ma-access o makuha. Sakali namang naramdamang nais na biktimahin ng ganitong scheme ay manatiling kalmado at pag-isipan mabuti ang gagawin, habang huwag nang pansinin o makipag-usapan sa hinihinalang kawatan.
Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay mas higpitan pa ang seguridad sa mga transport terminal, airport, pantalan at iba pa lalo na sa mga lugar na maraming pasahero. Huwag sanang magpakampante lang sa trabaho, dapat na matinding pagbabantay ang gawin para na rin maproteksyunan nang husto ang taumbayan laban sa anumang uri ng kasamaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments