top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga komyuter at tsuper, ‘wag pasaway kahit MECQ

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 23, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | August 23, 2021



Kasabay ng pagsailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ng National Capital Region (NCR), nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na mananatili ang suplay at kapasidad ng pampublikong transportasyon.


Dahil dito, nagpaalala si DOTr Secretary Art Tugade sa publiko na estriktong sundin ang minimum public health standard dahil nananatili ang banta ng COVID-19, habang binigyang-diin nito na mga Authorized Persons Outside Residence (APORs) lamang ang maaaring sumakay sa mga public transport services.


Dagdag pa ng opisyal, lahat ng uri ng transportasyon — pribado man, may special permit at shuttles ay dapat ding sumunod sa prescribed physical distancing at health measures sa lahat ng pagkakataon.


Gayunman, nananatili sa 50% maximum capacity ang mga public utility buses at jeepneys ay mayroong one-seat apart rule at walang pasahero na dapat nakatayo. Pinapayagan pa ring bumiyahe ang mga motorcycle taxi services at ang Transport Network Vehicle Service (TNVS) at sa tricycle, isang pasahero lamang ang papayagang makasakay. Tuloy din ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR), LRT-1, LRT-2 at MRT-3.


Samantala, upang mapatunayang sila ay APOR, kailangang magprisinta ng Certificate of Employment (COE) at government-issued ID; Professional Regulation Commission (PRC) ID; Company ID at Vaccination schedule.


Dahil bahagyang niluwagan ang quarantine restriction, ibig sabihin, may mangilan-ngilan din tayong kababayan na balik-trabaho. Gayundin, nangangahulugan ito na mas maraming komyuter ang mangangailangan ng transportasyon.


Matatandaang sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa nakaraang dalawang linggo, todo-daing ang mga komyuter na kesyo pahirapan ang pagbiyahe kaya ang ending, nalalabag ang health protocols, partikular ang seating capacity ng mga sasakyan.


At ngayong sinabi na mananatili ang suplay at mga panuntunan sa PUVs, sana naman ay wala nang lumabag.


Tulad ng paulit-ulit nating paalala, ang pagluwag sa mga restrictions ay ginawa upang makabawi ang ating ekonomiya at hindi para lalo pa tayong magpasaway.


Panawagan lang sa lahat, maging tapat at iwasang lumabag dahil hindi lamang ito aberya sa inyong mga sarili kundi pati sa inyong mga kasabayan.


‘Ika nga, sakripisyo at tulungan ang higit na kailangan ng bawat isa — mahigpit man o hindi ang mga umiiral na quarantine restrictions.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page