top of page
Search
  • BULGAR

Mga kolorum na PUV, pagwawalisin na sa kalsada

@Editorial | Pebrero 28, 2024


Nagkalat pa rin ang mga kolorum na public utility vehicles sa bansa.


Bilang patunay, iniulat ng Department of Transportation (DOTr) na aabot sa P19 milyong halaga ng multa ang kanilang nakolekta mula sa mga colorum PUVs.


Ito ay sa gitna ng patuloy na mahigpit na ipinapatupad na nationwide crackdown laban sa mga ilegal na sasakyan.


Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, mula noong Pebrero 1 hanggang Pebrero 22, nasa kabuuang 50 PUVs na ang nahuli ng kanilang Special Action and Intelligence Committee for Transportation kabilang na ang mga van at bus.


Sa ilalim ng nasabing kampanya kontra kolorum, pagmumultahin ng P200,000 ang mahuhuling van, habang nasa P1 milyon naman sa mga bus.


Batid naman natin ang panganib ng pampasaherong sasakyan na ‘di rehistrado. Ito ‘yung sitwasyon na kapag nasangkot sa aksidente, walang habol ang mga pasahero.


Hamon din sa mga otoridad na tuluyan nang mawala ang mga kolorum. Kailangang mapatunayan na walang puwang ang mga ilegal sa kalsada.


Samantala, patuloy din ang panawagan sa iba pang mga pasaway na tsuper. Sumunod sa batas para walang buhay na malagay sa alanganin. Tuwing bibiyahe, laging isipin na may pamilyang naghihintay sa inyo at sa inyong mga pasahero.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page