top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga kawatan sa gitna ng pandemya, maubos na sana!

BULGAR
May 9, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 09, 2021


Babala sa mga aplikante para maging overseas Filipino Worker (OFW)!


Sa panahon ngayon na napakarami nating kababayan na nais makipagsapalaran sa ibang bansa, napakarami ring mapagsamantala.


‘Ika nga, madiskarte tayong mga Pinoy, kaya naman kahit napakahirap ng buhay, marami pa ring patuloy ang panloloko sa iba nating kababayan.


Kamakailan, arestado ang isang babae sa Maynila matapos mabuking ang modus-operandi nito kung saan ang mga biktima niya ay mga aplikante para maging OFW.


Ang siste, kakaibiganin nito ang target at kukumbinsihin itong aplikante rin siya. Kapag nakuha na ang loob nito ay sasabayang kumain at yayayaing mag-CR saka tatangayin niya ang mahahalagang gamit nito.


Ayon sa pulisya, umamin ang 50-anyos na suspek sa krimen at sinabing nagawa lang niya ito dahil sa tindi ng pangangailangan. Gayundin, napag-alamang 2017 nang unang mahuli ang suspek dahil din sa pambubudol.


Isang aplikante na OFW ang dumulog sa Ermita Police matapos umanong tangayin ng suspek ang kanyang bag na naglalaman ng cellphone, wallet at wedding ring.


Nagkakilala umano ang dalawa noong nakaraang Miyerkules at nagkasama pa sa isang kainan sa UN Avenue, pero paglabas sa kainan, dala na rin ng suspek ang bag ng kasama.


Gayunman, nabawi ang mga gamit at ATM card ng huli niyang biktima pero nasimot na ang laman nitong P50, 000.


Bagama’t hindi na bago ang ganitong uri ng modus, panawagan sa lahat, magdoble-ingat sa ating mga nakakasalamuha. ‘Ika nga, hindi lamang sa virus dapat mag-ingat kundi maging sa masasamang-loob.


At kayo namang mga walang ibang ginawa kundi ang manlamang, kung matindi ang inyong pangangailangan, piliting maghanapbuhay nang marangal. Hindi ‘yung kapwa n’yo rin nangangailangan ang bibiktimahin n’yo.


Pakiusap sa mga kinauukulan, patuloy na tugisin ang mga kawatan dahil hangga’t patuloy sa panloloko ang mga ito, paulit-ulit lang ang mangyayari sa ating mga kawawang kababayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page