ni Angela Fernando @News | August 29, 2024
Patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso ng "whooping cough" o pertussis sa buong bansa, na mayroong 19 na pasyente lamang na naitala mula Agosto 4 hanggang 17, 2024, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Huwebes.
Lumabas sa pinakabagong datos ng DOH na nananatiling mababa ang mga kaso ng pertussis, mula sa 131 kaso na naitala nu'ng Hulyo 7-20, bumaba ito sa 77 kaso nu'ng Hulyo 21-Agosto 3, at tuluyang bumaba sa 19 kaso nu'ng Agosto 4-17.
Gayunpaman, apat na rehiyon kasama ang National Capital Region, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao Region, ang naobserbahang nagkaroon ng pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na anim na linggo mula Agosto 17.
Umabot na sa 3,827 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pertussis na naitala ngayong 2024, karamihan nu'ng Marso at Abril. Ito ay halos 13 beses na mas mataas kaysa sa 291 kaso na naitala sa parehong panahon nu'ng nakaraang taon.
Comments