Mga kaso ng monkeypox sa bansa, bantayan at masusing pag-aralan
ni Ryan Sison - @Boses | August 26, 2022
Hindi isinasantabi ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng local transmission ng monkeypox sa bansa.
Ito ay matapos mapag-alaman na walang travel history sa mga bansang mayroon nito ang ikaapat na kaso sa bansa, gayundin ang kanyang close contacts.
Matatandaang, Lunes nang kumpirmahin ng kagawaran na isang 25-anyos, na sinasabing taga-Iloilo, ang ikaapat na kaso. Gayunman, ito ang unang kaso sa bansa na hindi nanggaling sa mga bansang nakitaan na ng sakit.
Sa kasalukuyan, nasa 14 ang close contacts ng ikaapat na kaso, ngunit lahat sila ay walang sintomas ng sakit at hindi rin lumabas ng bansa.
Paliwanag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang depinisyon ng local transmission ay kapag ang local case ay walang travel history sa abroad dahil may isa pang taong may monkeypox locally na hindi rin galing abroad.
Ngunit binigyang-linaw ng opisyal na sa ngayon, hindi pa makukumpirma na local case at nahawa sa isa pang local case kaya may local transmission.
Ito umano ang dahilan kaya patuloy pa rin ang isinasagawang back tracing at pagbeberipika ng impormasyon upang matukoy ang naging source ng naturang sakit na unang nadiskubre sa Africa.
Pinaalalahanan din ng kagawaran ang lahat na kumonsulta agad sa mga pagamutan kung biglang makaranas ng lagnat, pamamaga ng kulani at pagkakaroon ng butlig sa balat kung may nakasalamuhang suspected case.
Bagama’t hindi pa nakukumpirma ang local transmission, nakakabahala ang nangyari sa ikaapat na kaso, lalo pa’t wala itong travel history, maging ang kanyang close contact.
Nauunawaan nating bago ang sakit at maraming dapat pag-aralan at kailangang malaman.
Pero ngayong may ilang kaso na sa bansa, panawagan natin ang masusi ngunit mabilis na pag-aaral upang mabigyang-linaw ng mga eksperto ang nangyayari upang maiwasan ang pangamba ng taumbayan.
Sa panig naman ng mamamayan, gaya ng paulit-ulit na paalala, iwasang makampante. Hindi lang tayo sa COVID-19 dapat mag-ingat kundi maging sa monkeypox.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments