Mga karapatan ng testigo sa ilalim ng Witness Protection, Security and Benefit Act
- BULGAR
- Sep 11, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 11, 2022
Bilang pagkilala at pag-iingat sa buhay ng taong nakasaksi sa krimen, ang Kongreso ay nagsagawa ng batas para sa kanilang proteksyon. Ito ay ang Republic Act No. (R.A.) No. 6891 o ang “Witness Protection, Security and Benefit Act”. Ang ahensya ng pamahalaan na namamahala sa implementasyon ng programa sa ilalim ng probisyon ng batas ay ang Department of Justice (DOJ). Ayon sa Seksyon 8 ng R. A. No. 6981, ang taong natanggap sa Witness Protection, Security and Benefit Program ay binibigyan ng mga sumusunod na karapatan:
1. Karapatang magkaroon ng ligtas na tirahan hanggang sa siya ay nakapagbigay na ng kanyang pahayag o hanggang sa ang pagbabanta o pananakot sa kanya dahilan sa kanyang pagbibigay ng pahayag ay mawala;
2. Kapag hinihingi ng pagkakataon at kinakailangang dalhin sa ibang lugar upang maprotektahan ang kapakanan ng testigo, siya ay may karapatan na magkaroon ng relokasyon at mapalitan ang kanyang pagkatao. Ang karapatang ito ay maaari ring ibigay sa miyembro ng kanyang pamilya at kamag-anakan hanggang sa second degree of consanguinity or affinity;
3. Karapatang matulungan para makapaghanap ng isang uri ng pagkakakitaan o pangkabuhayan;
4. Kapag ang nasabing testigo ay hindi nakapapasok sa kanyang trabaho nang dahil sa kanyang pagharap at pagbigay ng pahayag sa isang husgado o sa anumang uri ng imbestigasyon, siya ay hindi maaaring mawala sa kanyang puwesto o matanggal sa kanyang trabaho;
5. Ang testigo na lumiban sa kanyang trabaho dahil sa kanyang pagbibigay ng kanyang pahayag o testimonya ay may karapatang mabayaran ng halagang katumbas ng kanyang sahod para sa araw o sa mga araw na siya ay lumiban;
6. Karapatang mabigyan ng resonableng halaga para gastusin sa kanyang mga pagbiyahe at subsistence allowance;
7. Karapatang mabigyan ng libreng pagpapagamot at pagpapaospital sa mga pribado o pampublikong ospital, pati ng mga libreng gamot para sa anumang sugat o karamdaman na may kinalaman sa kanyang pagtestigo;
8. Kapag ang testigo ay napatay, ang kanyang mga tagapagmana ay makakakuha ng burial benefit na di bababa sa P10,000;
9. Kapag ang testigo ay namatay o naging imbalido, ang kanyang mga anak na wala sa hustong gulang ay mapagkakalooban ng libreng edukasyon mula sa mababang paaralan hanggang sa kolehiyo sa alinmang pampublikong paaralan o sa mga pribadong paaralang elementarya, sekondarya o kolehiyo na tutukuyin ng DOJ, kung sila ay maging kuwalipikado rito;
10. Karapatan sa mabilis na paglilitis ng kaso kung saan siya ay testigo; at
11. Karapatang panatilihing sikreto ang kanyang pag-aplay para matanggap sa programa maging ang ginawad na kaukulang aksyon sa kanyang aplikasyon.
Ang testigo ay hindi maaaring ilagay sa paglilitis na kriminal o maparusahan nang dahil sa mga transaksyon o bagay na may kinalaman sa kanyang testimonya o sa mga libro, dokumento o kasulatan na kanyang ilalabas sa kanyang pagbibigay ng kanyang testimonya.




Comments