top of page
Search
BULGAR

Mga karapatan ng mga bata

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 6, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Itinuturing ng estado ang mga bata bilang isa sa pinakamahalagang kayamanan ng isang bansa, kung kaya’t lahat ng paraan para pangalagaan ang kanilang karapatan at palaguin ang kanilang mga oportunidad ay isinasagawa upang maging kapaki-pakinabang at masaya ang kanilang buhay. 


Kaugnay nito ay nagpasa ang ating estado ng mga batas para pangalagaan ang kapakanan ng mga bata. Kabilang dito ang Presidential Decree (PD) No. 603 (The Child and Youth Welfare Code), Republic Act (RA) No. 9344 (Juvenile Justice Welfare Act of 2006) as Amended by RA 10630, E.O. 209 (The Family Code of the Philippines) at RA No. 7610 (Child Abuse Act) as amended by RA 9231.


Ang mga sumusunod ay tala ng mga karapatan ng bawat bata ayon sa Section 3 ng P.D. 603 [The Child and Youth Welfare Code]: 


  1. Ang bawat bata ay binibigyan ng dignidad at halaga bilang isang tao mula pa sa sinapupunan hanggang sa siya ay maipanganak nang maayos;


  1. Ang bawat bata ay may karapatang magkaroon ng isang maayos na pamilya na magbibigay sa kanya ng pagmamahal, pagkalinga, pang-unawa at paggabay;


  1. Ang bawat bata ay may karapatang mapalaki nang maayos upang siya ay magkaroon ng personalidad na masaya, aktibo at maging kapaki-pakinabang na miyembro ng estado;


  1.  Ang bawat bata ay may karapatang magkaroon ng disenteng pamumuhay, balanseng pagkain, sapat na kasuotan, maayos na tirahan at tamang pangangalaga sa kanyang kalusugan;


  1. Ang bawat bata ay may karapatan na makapag-aral nang ayon sa kanyang abilidad;


  1. Ang bawat bata ay may karapatan na palakihin sa isang disenteng kapaligiran;


  1. Ang bawat bata ay may karapatan na mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng ligtas at kaaya-ayang mga gawain;


  1. Ang bawat bata ay may karapatan na maprotektahan laban sa pang-aabuso;


  1. Ang bawat bata ay may karapatan na manirahan sa isang komunidad na makapagbibigay sa kanya ng malinis na kapaligiran; at


  1. Ang bawat bata ay may karapatan na mabigyan ng proteksyon ng estado. 


Kung ating susumahin, pinakamahalaga sa mga karapatang ito ang mga karapatang magkaroon ng pangalan, maayos at mapagmahal na pamilya, lumaki sa tahimik at matiwasay na pamayanan, makapag-aral, makakain nang tama, makapaglaro at maprotektahan ng gobyerno. 


Ang karapatan ng isang bata na gamitin ang pangalan ng kanyang ama ay ipinagkakaloob ng Family Code (para sa mga lehitimo) at R.A. No. 9225 para sa mga hindi lehitimo. Kasama sa mga karapatan ng isang bata ang siya ay mabigyan ng pangalan at suporta ng kanyang mga magulang. Ang suportang ito ay pumapatungkol sa pinansyal, moral, emosyonal at sikolohikal na pangangailangan ng isang bata. 


Bilang pagkilala sa mga karapatan ng mga bata sa buong mundo, itinatag ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) ng United Nation’s Assembly noong December 11, 1946. Noong una, ang UNICEF ay itinatag upang magbigay ng pagkain at pag-aalagang pangkalusugan para sa mga nasalanta ng Ikalawang Digmaang Pandaigdigan. 


Subalit noong 1953, ginawang permanenteng kasapi ng United Nations System ang UNICEF. Layunin ng UNICEF ang magbigay ng pangmatagalang proteksyon at pagkalinga sa mga bata at kababaihan. 


Ang pagsulong ng karapatan ng mga bata ay naging adhikain ng buong mundo at lalo pa itong pinalakas sa pagpapasa ng “The Convention of the Rights of the Child” (CRC). Ang dokumentong ito ang naging kabuuan ng pakikibaka para maprotektahan ang kapakanan ng mga bata. Niratipika ito ng Pilipinas noong July 1990 sa pamamagitan ng Senate Resolution 109.


Ang pananakit at pang-aabuso, paano man ito ipinaramdam sa isang bata ay isang napakabigat na krimen at pinapatawan ng angkop na kaparusahan ayon sa R.A. No. 7610 at R.A. No. 9262. Dapat isaalang-alang ng bawat isa na sa lahat ng bagay na gagawin ay dapat maging batayan ang palagiang pagpabor sa kapakanan ng mga bata. 


Lahat ng karapatang ito ay ipinagkakaloob sa lahat ng mga bata maging ano pa man ang kanilang estado sa buhay. Lehitimo o hindi lehitimo, mayaman o mahirap, may kapansanan o wala, may relihiyon o wala, bawat bata ay may karapatang dapat protektahan hindi lamang ng mga magulang at kamag-anak kundi pati ng pamayanan.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page