Mga karapatan ng biktima ng rape
- BULGAR
- May 7, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 7, 2023
Sang-ayon sa Republic Act No. 8505 o mas kilala sa tawag na “Rape Victim Assistance and Protection Act of 1998,” isa sa mga polisiya ng pamahalaan ang magbigay ng kinakailangang tulong para sa isang biktima ng krimeng panggagahasa. Upang maisakatuparan ang polisiyang ito, kinakailangan ng koordinasyon ng iba’t bang sangay ng gobyerno, maging ng mga non-government organizations (NGOs) upang maitatag ang isang rape crisis center sa bawat probinsya o siyudad.
Ang rape crisis center ay pamamahalaan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Itatatag ang mga rape crisis centers para sa mga sumusunod na layunin:
Magbigay ng psychological counselling, medical at health services para sa mga biktima ng panggagahasa;
Kumuha ng libreng tulong legal para sa mga biktima ng panggagahasa;
Tumulong para mapadali ang pagsasampa ng kasong Rape, mapadali ang imbestigasyon nito, at mahuli agad ang salarin;
Pasiguruhan ang privacy at seguridad ng biktima ng panggagahasa;
Magbigay ng psychological counselling at health services para sa pamilya ng isang biktima ng panggagahasa;
Magsagawa ng training programs na ang paksa ay human rights and responsibility, gender sensitivity at legal management sa mga kasong Rape para sa mga pulis, piskal, abogado, medico-legal officers, social workers at barangay officials; at
Magsagawa ng mga programa upang makaahon ang biktima ng panggagahasa mula sa krisis na kanyang pinagdaanan.
Sa mga kapulisan, kapag nakatanggap ang kanilang opisina ng reklamo ng panggagahasa, tungkulin ng mga ito na isangguni sa piskalya ang nasabing reklamo para sumailalim sa inquest investigation ang salarin kung ito ay nakakulong.
Kinakailangan ding ayusin na magkaroon ng counselling ang biktima at gawan ng tala ang anumang aksyon na isinagawa ng tanggapan ng mga law enforcement agencies para sa mga biktima ng krimeng panggagahasa. Para maisakatuparan ang layuning ito, maglalagay ang mga presinto ng Women’s Desk kung saan mayroong itatalagang police woman na siyang magsisiyasat sa mga reklamong panggagahasa.
Sa anumang yugto ng imbestigasyon o pagsisiyasat, prosekusyon, o pagdinig ng isang kaso ng panggagahasa, ang pulis, piskal, husgado at sinumang opisyal nito, maging ang mga partido sa kaso, ay kikilalanin ang pagiging pribado ng biktima at ng akusado. Sa medikal na eksaminasyon sa biktima, marapat lamang na siya ay masuri ng isang medical officer na kanyang kapareho ng kasarian. Kung kinakailangan ay magkakaroon ng isang closed-door na imbestigayon, prosekusyon, at pagdinig. Ang mga personal na sirkumstansya o pagkakakilanlan ng biktima at akusado ay hindi maaaring ipagbigay-alam sa publiko.
Sa prosekusyon at pagdinig ng kasong Rape, anumang nakalipas na ugaling sekswal o sekswal na reputasyon ng biktima ay hindi maaaring tanggapin bilang ebidensya laban sa kanya, maliban lamang kung ito ay materyal sa kaso.





Comments