Mga kandidato, ‘wag magpatumpik-tumpik, socmed account iparehistro
- BULGAR
- Oct 23, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 23, 2024

Para sa napakaraming aspiranteng nagpahayag ng kanilang pagtakbo sa 2025 midterm elections, marapat lamang na sumunod sila sa polisiyang ipinatutupad ng gobyerno.
Kaya naman pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa local at national positions na i-register ang kanilang mga social media account para sa eleksyon.
Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia, nasa 62 sa 44,000 aspirants at 156 partylist groups ang nakapagparehistro hanggang October 21, 2024.
Matatandaang nag-isyu ang Comelec ng isang resolution na nagmamandato sa lahat ng mga kakandidato, party-list groups at kanilang campaign teams para i-register ang kanilang official social media account, pages, websites, at iba pang online campaign platforms hanggang December 13. Ito aniya ay bilang bahagi ng kanilang layunin na i-regulate at ipagbawal ang maling paggamit ng socmed para sa halalan sa susunod na taon.
Apela nila sa mga kandidato ani Garcia, na kung wala naman silang balak gumawa ng mga ethical violations, dapat nilang irehistro ang kanila mga social media account dahil napakaimportante para sa Comelec na ma-monitor ang mga aksyon o ikinikilos, post at mga gastos ng mga ito.
Ang Task Force sa Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa Halalan ang susuri o magrerebyu sa mga aplikasyon at ieendorso ang mga socmed account sa Comelec en banc na mag-aaprub o magdi-disapprove.
Ang mga approved application ay ilalathala sa official website at socmed accounts ng poll body.
Marahil ay hindi na dapat magpatumpik-tumpik ng mga kakandidato sa eleksyon nating mga kababayan at gawing iparehistro na ang kanilang socmed accounts.
Huwag na rin sana nilang hintayin pa ang deadline na saka pa lamang kikilos para maaprubahan ito ng Comelec.
Kumbaga, hindi nila kailangang makipagmatigasan at huwag nilang balewalain dahil baka sa huli ay ma-disqualify lamang sila at ito pa ang maging dahilan ng kanilang election offense.
Mas maganda na sumunod sila sa patakaran ng kinauukulan para maging maayos at masigurong pantay-pantay ang lahat ng mga kandidato.
Alalahanin sana natin palagi ang katagang, ‘a good leader is a good follower’.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments