ni Ryan Sison @Boses | June 22, 2024

Upang itaguyod ang integridad at kredibilidad ng proseso ng elektoral sa ating bansa, isang resolusyon ang inihain sa Kamara na mag-oobliga sa lahat ng mga kandidato sa 2025 midterm elections na sumailalim sa drug testing.
Ito ang House Resolution No. 1772, na isinusulong ni Albay 3rd District Rep. Fernando Cabredo, na humihimok sa Commission on Elections (Comelec) na i-require o gawing mandato ang drug testing sa lahat ng mga kandidato na sasabak sa May 2025 polls.
Sa pamamagitan ng drug testing ayon kay Cabredo, matutukoy natin kung ang isang kandidato ay nasa ilalim ng paggamit ng droga o drug use habang magiging batayan ito kung kuwalipikado o karapat-dapat bang tumakbo at humawak ng anumang posisyon sa gobyerno dahil sa isyu na may kaugnayan sa droga.
Hinikayat din ng mambabatas ang Comelec na magtatag ng malinaw na guidelines at procedures para sa implementasyon ng mandatory drug testing sa lahat ng kandidato upang matiyak ang pagiging patas, may transparency, at pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Binigyang-diin naman ni Cabredo na sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga proactive measures para matugunan ang mga alalahanin na may kinalaman sa droga sa mga kandidato, maaaring mapataas ng Comelec ang tiwala ng publiko sa electoral system at maitataguyod ang prinsipyo ng demokrasya at mabuting pamamahala.
Maganda ang panukalang inihain na ito ng mambabatas, kung saan isasalang sa drug test ang bawat kandidato na tatakbo sa eleksyon sa susunod na taon.
Dito pa lang kasi ay malalaman na natin kung magiging mabuting lingkod-bayan at tapat sa serbisyo ang isang kandidato kapag hindi gumagamit ng anumang ilegal na droga.
Batid naman ng lahat na ang isang drug addict o kahit minsang naging drug user ay walang malinaw na pag-iisip at katinuan, kaya maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kakayahan at pag-uugali nito sa paggawa ng desisyon, kabilang na rito ang mga kandidato para sa posisyon sa gobyerno.
Kumbaga, sa umpisa pa lang ay makikita na ang pagiging malinis ng kandidato na may integridad at kredibilidad talagang maglingkod sa taumbayan.
Hiling natin sa kinauukulan na sana ay ikonsidera nila ito, pag-aralan at isama sa kanilang panuntunan bago pa natin gawin ang eleksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários