Mga kandidato, dapat mabuting ehemplo
- BULGAR
- Dec 19, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 19, 2021
Habang papalapit ang halalan at patuloy ang paglaban sa pandemya, nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa mga kandidato para sa 2022 elections na maging ehemplo sa pagsunod sa mga panuntunan laban sa pagkalat ng COVID-19.
Ang panawagan ay matapos maberipika na may dalawang kaso ng Omicron variant sa bansa na sinasabing maaaring palitan ang Delta bilang dominanteng variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Gayundin, umaasa ang WHO na mangunguna ang mga kandidato sa pananawagan sa publiko na magpabakuna para sa ligtas na halalan.
Matatandaang may mga kandidatong nasita dahil sa umano’y paglabag sa health protocols habang nagsasagawa ng motorcade at caravans.
Bagama’t hindi na nga maawat ang publiko sa pagbibigay-suporta sa napupusuang kandidato, ang ending, dagsa ang mga tagasuporta at nagdikit-dikit na. Ang ilan naman, hindi na naisusuot nang maayos ang facemask. Bagay na ikinabahala ng mga eksperto dahil pa rin sa patuloy na banta ng COVID-19.
At ngayong nakapasok na sa bansa ang binabantayang variant, kinakailangan natin ang mas mahigpit na pag-iingat.
Kaya naman, inaasahan natin ang mga kandidato na manguna sa pagsunod sa health protocols at hindi sa pagpapasaway. Tutal, nangangarap kayong maging lider, ngayon pa lang ay patunayan n’yo kaya ninyong maging mabuting ehemplo sa taumbayan. Pero kung mangunguna kayo sa pagpapasaway, manahimik na lang kayo dahil hindi kayo nakatutulong sa sitwasyon.
Tulad ng paulit-ulit nating paalala, hinay-hinay sa kampanya dahil may pandemya pa.
Kung talagang inaalala ninyo ang ating mga kababayan, dapat ang lahat ng gagawin ninyo ay para sa ikabubuti ng lahat at hindi lamang para sa inyong sarili.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments