top of page

Mga kahulugan ng kinoronahan, natusok ng aspili at natapilok

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 18, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 18, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosalie ng Lucban, Quezon.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyo! Isa akong biyuda at may dalawang anak na pinag-aaral sa elementarya.

Halos gabi-gabi ay nananaginip ako, pero nakakalimutan ko na ito kinabukasan paggising ko. Kaya ang ginawa ko ay naglagay ako ng notebook at ballpen sa tabi ng kama ko tuwing matutulog ako sa gabi para hindi ko makalimutan ang aking panaginip.

At hayun nga, napanaginipan ko na nilagyan ako ng korona pero natusok ako ng aspili habang inilalagay ito sa ulo ko. Gayunman, hindi ako nagpahalata na nasaktan at pagbaba ko sa stage ay natapilok ako at nasugatan ng kaunti ang paa ko.

Ano ang ipinahihiwatig nito?

Naghihintay,

Rosalie


Sa iyo, Rosalie,

Unang-una sa lahat, binabati kita ng isang mapagpala at maligayang araw.


Mabuti naman at naisipan mong maglagay ng notebook sa tabi mo kapag matutulog ka na upang hindi makalimutan ang panaginip mo.


Labis akong nagpapasalamat sa iyo at dumadalangin na sana ay maging maayos ang iyong kalusugan, gayundin, ligtas ka sa anumang uri ng sakit at karamdaman.


Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na pinatungan ka ng korona ay makatatanggap ka ng karangalan sa inyong lugar at kikilalanin ang magandang naibahagi mo sa inyong barangay. Magkakaisa ang mga kaibigan mo na bukod sa pera, makatatanggap din ng scholarship ang mga anak mo at bibigyan ka ng kabuhayan showcase. Labis mo itong ikatutuwa at simula na rin ito ng pag-unlad mo sa buhay. Makakaisip ka ng negosyo na tatangkilikin ng mga tao sa lugar mo. Magiging mataas ang tingin nila sa iyo at igagalang ka ng mga kabarangay mo.


Samantala, ang natusok ka ng aspili pero hindi mo ipinahalata na nasaktan ka ay nagpapahiwatig na sa kabila ng tagumpay, nanatili kang mababa ang loob at matulungin sa kapwa. Gayundin, papalarin ka sa larangan ng pag-ibig kung saan may magkakagusto sa iyo at handa kang pakasalan at makasama habambuhay. Ito ang ibig ipahiwatig na natapilok ka sa hagdan at nagkasugat ang iyong paa.


Hanggang dito na lang at nawa’y huwag kang magsawang magpaanalisa sa akin ng iyong mga panaginip.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page