Mga kabataan, iwas-bisyo para sa kinabukasan
@Editorial | Pebrero 9, 2023
Isang panukalang-batas ang isinusulong kaugnay sa pagkakaroon ng lisensya ng isang establisimyento para sa pagbebenta ng mga nakalalasing na inumin.
Sa pagdinig ng Committee on Women sa Senado, napag-alaman na dumarami ang kaso ng maagang pagbubuntis sa hanay ng mga kabataan na maiuugnay sa impluwensya ng alak.
Naniniwala ang mga mambabatas na sa pamamagitan ng nasabing panukala ay maiiwasan ang pagbili ng alak ng mga kabataan at maaaring bumaba na ang kaso ng ‘teenage pregnancy’ sa bansa.
Kapag lumabag ang tindahan o nagbenta ng alak sa menor-de-edad, kakanselahin ang lisensya nito habambuhay. Hindi na puwedeng magtinda at kapag nagpumilit, kulong na.
Dapat din umanong pagmultahin ang mga nasa tamang edad na bibili ng alak para sa mga kabataan.
Damay din sa mahigpit na babantayan ang mga bar, hotel at iba pang establisimyento, na dapat ay malayo sa mga paaralan upang mailayo sa tukso ang mga menor-de-edad.
Masasabing ibang-iba na ang mga kabataan sa panahon ngayon, pero iisa lang ang hangad natin para sa kanila, ang magkaroon sila ng magandang kinabukasan.
Kaya habang papunta sila sa mas malawak na mundo, gabayan natin sila, ipaunawa ang mga bagay na nararanasan nila. Hindi man natin sila mabantayan 24 oras, gamitin natin ang mga pagkakataon na nakakausap sila na maipaliwanag ang epekto ng masamang bisyo o ng pagpapabaya sa sarili.
Pagtulungan nating mga magulang, guro at kasama sa komunidad ang pangangalaga sa mga kabataan.



Comments