Mga isyu sa COMELEC, linawin muna bago mag-eleksyon

ni Ryan Sison @Boses | July 11, 2024

Ngayon pa lang ay naghahanda na ang gobyerno para sa nalalapit na halalan bagama't may mga isyu na ring naglalabasan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng South Korean firm na Miru Systems na magiging malinis at tapat ang eleksyon sa 2025 sa gitna ng mga isyu sa Commission on Elections (Comelec).
Sa isang pahayag, sinabi ng Miru Systems na nakatutok sila sa paghahatid ng pinakamahusay na automated election system (AES) sa Pilipinas.
Napatunayan din umano ang kalidad ng kanilang mga makina at ang kapasidad na maihatid ang lahat ng kinakailangan sa tamang oras sa pamamagitan ng ilang pampublikong demonstrasyon at patuloy na magpapakita ng transparency para sa paparating na halalan.
Una rito, isang mambabatas ang tila nagpahiwatig na may kontrobersiya na maiuugnay sa eleksyon na dapat munang linawin.
Kung saan, plano ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na pormal na maghain ng resolusyon para paimbestigahan ang natuklasang offshore accounts na iniuugnay sa isang opisyal ng Comelec.
Sa isang pulong balitaan, tinukoy ng mambabatas na mayroon siyang natuklasang 49 offshore accounts na pawang mula sa Singapore, China at Hong Kong, Carribean at North America.
Nagkakahalaga aniya ang mga account na ito ng US$15.2 million o halos P1 bilyon.
Ang US$2.1 million dito o katumbas ng P120 million ay ipinadala umano mula Korea sa pagitan ng mga buwan ng June 22, 2023 at March 22, 2024.
Ang nais ng mambabatas, magpaliwanag ang Comelec kung bakit ang mga transfer ng pera na ginawa mula Korea patungo sa mga account ay nataon sa mga panahon na pinapaboran ng ahensiya ang Miru Systems na siyang bagong automated service provider para sa 2025 elections.
Nag-umpisa aniya ito noong June 22, 2023 matapos maghain ng petisyon para i-disqualify ang Smartmatic sa bidding bilang service provider.
Pinakahuli naman dito ay naganap noong March 22, 2024 matapos selyuhan ang kontrata sa pagitan ng Comelec at Miru ng kaparehong buwan.
Aminado naman si Marcoleta, na nasa proseso pa sila ng beripikasyon sa naturang mga account.
Hindi rin naman tinukoy ni Marcoleta na ang pondo ay nagmula sa Miru, ngunit nabanggit niya na ang Miru ay isang South Korean firm.
Hindi rin pinangalanan ni Marcoleta ang sangkot na Comelec official subalit, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na siya ang pinatutungkulan ng mambabatas bagama't itinanggi ng poll body chief ang anumang pagmamay-ari sa anumang foreign accounts o property sa ibang bansa.
Mabigat ang isyung ito at hindi rin mapipigilan ang publiko na magtanong.
At para hindi mabahiran ng anumang duda ang magiging resulta ng halaan, sana ay mabigyang-linaw agad ito. Lagi nating bigyang-daan ang isang malinis at tapat na halalan para sa maayos na takbo ng gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments