@Editorial | June 9, 2024
Nag-trending ang isang babae matapos na akusahan ang isang rider ng motorcycle taxi company na hinoldap umano siya nito.
Ngayon naman ay binawi niya ang kanyang alegasyon kung saan ay puwede siyang masampahan ng kaso.
Isa itong aral para sa lahat na ‘wag gumawa ng kuwentong ‘di naman pala totoo.
Malaki ang epekto nito sa taong ginawan ng istorya ganundin sa kanyang pamilya.
Napag-alaman na binalikan din ng pulisya ang lugar na sinabi ng babae kung saan siya ibinaba ng rider at sa backtracking nila, walang nakita sa lugar na dumaang motorcycle taxi sakay ang babae.
Dahil din sa pagbawi ng akusasyon ng babae ay nare-activate na ang account ng rider at maaari na siyang makapaghanapbuhay muli.
Paalala sa netizens, ‘Think before you click.’ Pag-isipan munang mabuti ang bawat ipinopost online dahil ito ay maaaring makapaminsala sa ibang tao.
Maging babala na rin sana ito sa ibang tao na kayo rin ang mapeperhuwisyo kapag napatunayang mali ang inyong inaakusa.
Hiling din natin na makamit ng mga taong maling naakusahan ang hustiyang nararapat para sa kanila.
Comments