Mga imprastruktura sa bansa, inspeksyunin para matiyak na ligtas vs. lindol
- BULGAR
- Feb 10, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 10, 2023
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works, pangungunahan natin sa darating na Martes ang Committee Meeting para sa deliberasyon ng Proposed Senate Resolution No. 67 na aking isinumite.
Hinihikayat ng naturang resolusyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at lahat ng local government units na magsagawa ng agarang inspeksyon at review sa mga kasalukuyang gusali at iba pang imprastraktura sa kani-kanilang nasasakupan.
Nais nating matiyak ang full compliance sa itinakdang standard ng National Building Code hinggil sa structural safety at integrity upang mabigyan ng proteksyon ang mga Pilipino, hindi lang sa kanilang pag-aari kung hindi sa buhay ng bawat isa.
Dapat masiguro nating ligtas at matibay ang ating mga daan, tulay, kalsada at iba pang imprastruktura para mapaghandaan natin ang epekto ng mga posibleng sakuna na hindi natin alam kung kailan darating, ngunit tiyak na mangyayari.
Umabot na kasi sa mahigit 16,000 katao ang nasawi at libu-libo pa ang nasugatan sa magnitude 7.8 earthquake na yumanig sa Türkiye at Syria noong nakaraang Lunes ng umaga at nadaragdagan pa ang mga biktima.
Libu-libong gusali rin ang gumuho sa dalawang nabanggit na bansa at maraming nais sumaklolo at magbibigay ng tulong ang labis na nababahala sa kalagayan ng northwestern Syria, kung saan mahigit sa apat na milyong katao ang umaasa na ngayon sa humanitarian assistance.
Ang naturang lindol ang isa sa pinakamalakas na pagyanig sa naturang lugar sa mahigit 100 taon na tumama sa 23 kilometro ng east Nurdagi sa probinsya ng Gaziantep sa Türkiye at ang lalim ay 24.1 kilometro ayon sa US Geological Survey.
Habang isinusulat ko ang artikulong ito ay may tatlong Pinay na naiulat na hindi pa nakikita dahil sa naturang trahedya, base naman sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sana ay agaran nang mahanap at hindi na madagdagan pa.
Ang Embahada ay patuloy pa rin sa pakikipag-ugnayan sa marami nating kababayan at iba pang Pinoy communities sa Gaziantep, Hatay Adana at Mersin dahil nasa 4,006 Pinoy ang nasa Türkiye na karamihan ay nakabase sa Istanbul.
Nabatid na sa dami ng mga probinsyang nasalanta ay pinakagrabe ang Gaziantep, Kahramanmaraş, Hatay, Osmaniye, Adıyaman, Malatya, Şanlıurfa, Adana, Diyarbakır at Kilis.
Sa mga ganitong pangyayari na halos buong mundo ay nagluluksa, nakikiisa tayo sa international community na nakikiramay at nagbibigay ng panalangin para mga biktima ng nagdaang lindol sa bansang Syria at Türkiye.
Sa ngayon ay patuloy pang tumataas ang bilang ng mga nasawi at nawa’y hindi masayang ang pagbubuwis ng buhay ng maraming tao at magsilbi itong wake-up call sa atin bilang Pilipino na sana ay hindi mangyari sa atin ang tulad ng trahedyang ito.
Ang mahalagang tanong ay kung handa ba tayo sa grabeng sakuna, handa ba ang katatagan ng ating mga imprastruktura at mga naglalakihang gusali kung sakaling daanan din tayo ng kahalintulad na trahedya? Sa pagkakataong ito ay napakahalaga ng kahandaan sa kaligtasan.
Walang makapagsasabi na ligtas ang ating bansa sa mga trahedyang tulad nito dahil ilang ulit na itong nangyari at maiiwasan natin ang grabeng pagguho kung ngayon pa lamang ay paghahandaan na natin ang mga pangyayari.
Tulad na lamang noong Martes ng gabi, niyanig din ng magnitude 5.1 na lindol ang Tinaga Island, Camarines Norte, ayon mismo sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa earthquake bulletin nito, naganap ang pagyanig bandang alas-9:46 ng gabi at ang epicenter nito ay nasa 15 km N 87° E ng Tinaga Island, Camarines Norte.
Ayon sa PHIVOLCS, tectonic in origin ang nagdaang lindol na may lalim na isang kilometro at walang inaasahang pinsala, ngunit maaaring mangyari ang mga aftershocks na minsan ay sunud-sunod pa ang pagyanig.
Ito ang katunayan na ang pagyanig ng lupa ay araw-araw na banta sa ating buhay na kung hindi paghahandaan ay posibleng isang araw ay baka matulad tayo sa nangyari sa Türkiye at Syria.
Ang paghahanda kasi ay ibang bagay na habang sinisiguro natin na mayroon tayong sapat na pansalag sa sakuna ay mahalagang nakaagapay din tayo sa taumbayan sa pagbangon, pagpapatibay sa ating loob at isabay na natin ang pagpapatibay sa ating mga imprastruktura.
Ilang panahon nang napapabalita ang posibleng pagdating ng tinatawag nating ‘The Big One’ na umano’y malaking banta sa napakalaking pagkawasak ng maraming bahagi ng Metro Manila dahil sa kinatatakutang ‘West Valley Fault Line’.
Hindi naman sa nananakot tayo, pero mahalagang handa tayo sa mga bantang ito at huwag na nating hayaang naghihintay lamang tayo sa mga pangyayari. Baka magising tayo isang araw na maranasan natin ang nangyari sa Türkiye o Syria—at maganda na dahil sa ating kahandaan ay hindi aabot sa ganu’n kagrabe ang trahedya.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments