top of page
Search
BULGAR

Mga importer, ‘wag sanang gamitin ang ports na imbakan

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 8, 2024



Boses by Ryan Sison

Nakakalungkot isipin na ang ating mga daungan ay ginagawa ngayon para maging storage areas o imbakan ng mga importer. 


Kaya naman ang Philippine Ports Authority (PPA) ay nakatakdang maglabas ng mga bagong polisiya upang i-streamline ang mga pamamaraan para maiwasan ang mga importer na gamitin ang mga ports o daungan bilang storage areas.


Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Customs (BOC) para matiyak na hindi dine-delay ng mga importer ang pagpa-file ng kanilang importation entries. Unti-unti rin nilang nire-review ang kanilang mga proseso sa PPA at BOC.


Binigyang-diin naman ni Santiago na ang Philippine ports sa ilalim ng kanilang pangangasiwa ay idinisenyo hindi bilang mga lugar ng imbakan o storage areas para sa mga importer at iba pang mga gumagamit, dahil ang pangunahing ginagawa nito ay maglipat ng mga kargamento.


Sinabi rin niya na naobserbahan ng kagawaran na ilang mga importer ay naghihintay ng halos isang buwan bago maghain ng import entries para sa kanilang mga cargo sa kabila na ang mga naturang goods o kalakal ay nakadiskarga o naibaba na sa mga pantalan.


Aniya, ang paghahain ng import entry ay hudyat ng pagsisimula ng pagproseso sa BOC.

Paliwanag pa ni Santiago na ang ilang mga importer ay dini-delay ang pagpa-file ng import entry dahil maaari silang makatipid sa storage cost sa mga daungan, kumpara sa kung sila ay nag-iimbak ng mga goods sa mga private warehouse.


Binanggit naman ng PPA chief, na kanilang itinurn-over na sa Department of Agriculture (DA) ang listahan ng 20 consignees na nabigong mag-pull out ng mahigit 500 twenty-foot equivalent units (TEUs) ng shipments ng bigas at iba pang produktong agrikultura sa Manila ports noong September 30, 2024.


May katwiran naman talaga ang kinauukulan sa nangyayaring ito sa ating mga pantalan at hindi tama na ginagawa nang imbakan ito ng mga importer ng kanilang mga kalakal. 

Kumbaga, bagsakan lamang ang ating mga ports at pagkatapos ay dapat na itong ilipat at kuhanin ng mga consignee. 


Ang masaklap rito ay may ilang importer na sadyang inaantala ang paghahain ng importation entries at iba pang kailangang pagdaanang proseso dahil siguro sa kagustuhan nilang makatipid kaya naiisip nilang iimbak na lang muna roon ang kanilang mga kargamento.


Pakiusap sana sa ating mga kababayang importer na huwag naman sanang gawing storage area ang ating mga ports dahil hindi ito nakabubuti sa halip ay nakakasama pa sa naturang lugar. Posible ring may mga goods na sa tagal na nakaimbak doon bago kuhanin ay nabulok na lamang na nagdulot pa ng perhuwisyo sa marami. 


Sana lang ay maresolbahan na ito ng kinauukulan, at kung hindi man maalis agad ay mabawasan kahit papaano ang mga nakaimbak na mga kalakal sa ating mga daungan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page